PINASALAMATAN ng Malakanyang ang mababang kapulungan ng Kongreso sa pagpasa sa ikatlo at huling pagbasa ng House Bill No. 7727 o ang General Appropriations Bill (GAB) na naglalaman ng 2021 proposed national budget sa tamang oras o sa loob ng special session na ipinatawag ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na palaging binibigkas ni Pangulong Duterte ang kahalagahan ng tamang oras na pagpapasa sa national budget, lalo pa’t nasa gitna ng COVID-19 pandemic ang bansa kung saan ay nangangailangan ng resources para pondohan ang ginagawang paraan ng pamahalaan para mapagaan ang matinding epekto ng virus.
Sa kabilang dako, umaasa naman ang Malakanyang na ipadadala sa lalong madaling panahon ng Kongreso ang printed o soft copy sa Senado upang mabigyan ng sapat na oras ang mga senador na aksyunan ang nasabing legislative measure, na sinertipikahang urgent ni Pangulong Duterte.
Kaugnay nito ay pinuri naman ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) ang Kamara sa ilalim ng liderato ni House Speaker Lord Allan Jay Velasco “As the 2021 GAB progresses to the Senate for its deliberation, the House of Representatives’ approval of the bill will go a long way in helping support and realize the Duterte administration’s outlined undertakings, responses, and programs for our collective recovery from the adverse impacts of COVID-19,” ayon kay PCOO Sec. Martin Andanar.
Umaasa naman ang PCOO na magiging mabilis at maayos ang deliberasyon ng Senado sa 2021 GAB para matupad ang mandato ng pamahalaan sa mga Filipino at ang layunin na “healing, rebounding, and recovering as one nation.”
Sa ulat, sa botong 257 affirmative at 6 negative votes tuluyan nang inaprubahan ng mga mambababatas ang naturang panukala sa huling araw ng special session.
Agad pinagbotohan ang budget bill ilang minuto lang matapos itong makapasa sa 2nd reading.
Samantala, bumuo naman ang Kamara ng komite para tumanggap at i-resolve ang individual amendments sa proposed budget hanggang bukas, October 19.
Ang P4.506 trillion budget para sa susunod na taon ay mas mataas ng 9.9 percent kumpara sa 2020 budget at 21.8 percent ng gross domestic product (GDP). (CHRISTIAN DALE)
189 