RECORD-LOW SWS RATING HAMON PARA KAY PBBM

HINDI nababahala ang Malakanyang sa record-low net satisfaction rating ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. matapos lumabas ang pinakabagong survey ng Social Weather Stations (SWS).

Ayon sa Malakanyang, nagsisilbi lamang itong hamon sa Pangulo upang lalo pang pagbutihin ang trabaho para sa mamamayan.

Batay sa SWS survey na isinagawa mula Marso 24 hanggang 31, 2026, bumagsak sa -15 ang net satisfaction rating ni Pangulong Marcos.

Lumabas sa survey na 33 porsyento ng adult Filipinos ang nasisiyahan sa trabaho ng Pangulo habang 49 porsiyento ang hindi nasisiyahan at 18 porsyento ang undecided.

“So naniniwala po tayo na nararamdaman ng ibang mga kababayan natin ang ginagawa ng gobyerno, nagkataon lamang po siguro na ang nakakausap ay mga taong hindi pa nahatiran o hindi pa nararamdaman ang tulong ng gobyerno,” ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.

“Alam natin na sinasagad ng Pangulo ang pagtatrabaho pero makakatulong ito para mas pagbutihin pa ng Pangulo ang pagtatrabaho at pagbibigay ng tulong sa ating mga mamamayan,” dagdag pa niya.

Nang tanungin kung may magiging adjustment ba sa pamamahala ng Pangulo upang tumaas ang kanyang ratings, sinabi ni Castro na nakadepende ito sa mga respondent na nakakausap ng survey firm.

“Sabi nga po natin muli, tinagurian nga po si Pangulo na highest rated among the top four officials in a nationwide survey,” ani Castro.

Tinukoy nito ang survey ng OCTA Research kung saan tumaas umano ang trust at performance ratings ni Pangulong Marcos sa first quarter ng 2026.

“So kung may mga pagkakaiba man sila sa mga numero, pagkakaiba-iba ng mga survey firms, naniniwala po tayo at ang administrasyon na ito na patuloy ang gobyerno sa pagtatrabaho, pagbibigay ng ayuda at tulong sa ating mga mamamayan,” pahayag pa ni Castro.

“Hindi po tumitigil ang Pangulo na maibsan ang anumang hirap na dinaranas ng ating mga mamamayan especially dulot ng krisis sa Middle East. Ano man numero ‘yan, tumaas man o bumaba, patuloy ang Pangulo sa pagtatrabaho at pagbibigay ng good governance,” dagdag pa niya.

(CHRISTIAN DALE)

67

Related posts

Leave a Comment