BAHAGI ng maingat na aksyon ng gobyerno ang hindi agad pagsuspinde sa excise tax sa diesel at gasolina.
Ito ang paniniwala ni Senador Erwin Tulfo matapos na ipag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr na suspendihin ang excise tax sa LPG at kerosene.
Sinabi ni Tulfo na sa pahayag ng executive officials, aabot sa P200 hanggang P300 bilyon ang mawawalang revenue sa gobyerno kapag sinuspinde ang excise tax sa diesel at gasolina.
Naniniwala si Tulfo na nag-iingat lang ang Pangulo at binabalanse ang pangangailangan na maibaba ang presyo ng produktong petrolyo at ang inaasahang epekto sa mawawalang kita ng gobyerno sa programa at serbisyo ng pamahalaan.
Tiwala si Tulfo na kapag tumaas nang todo ang presyo ng langis, pag aaralan at ikokonsidera ng Pangulo na isama na sa suspensyon ng excise tax ang diesel at gasolina.
Suportado naman ni Senate President Vicente Sotto III ang desisyon ng Pangulo.
Ayon kay Sotto, naniniwala siya na mahalaga at makatutulong sa ating mga kababayan ang hakbang na ito ng Pangulo.
(DANG SAMSON-GARCIA)
60 