MANILA LGU, NAG-HIRE NG 45 MEDICAL FRONTLINERS

UPANG mapalakas pa ang health care capacity kasunod ng patuloy na pagtaas ng naitatalang COVID-19 cases, minabuting magdagdag pa ng 45 medical frontliners ang Manila City government.

Sa Facebook post, sinabi ng lokal na pamahalaan na ang 40 sa health workers ay magtatrabaho sa Ospital ng Maynila Medical Center (OMMC) habang ang lima rito ay magdu-duty naman sa Ospital ng Sampaloc.

Sa OMMC, kabilang sa mga bagong hire na medical frontliners ay limang medical specialist (doctors); 14 nurses; 18 administrative aide III; isang nursing attendant, isang dental aide at isang dentist II.

Samantala, ang Ospital ng Sampaloc naman ay nag-hire ng isang medical specialist (doctor) at apat na nurses.

Kaugnay nito, tiniyak ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na tuloy-tuloy ang gagawing nilang ‘hiring’ ng mas marami pang kwalipikadong medical workers upang tumulong sa panggagamot sa mga residenteng dinapuan ng COVID-19.

Batay sa datos, hanggang alas-12:00 ng tanghali noong Abril 14, ang Maynila ay nakapagtala ng kabuuang 50,872 COVID-19 cases, kabilang dito ang 4,291 active cases, 45,586 recoveries at 995 ang binawian ng buhay. (RENE CRISOSTOMO)

187

Related posts

Leave a Comment