MARCOS DUMISTANSYA SA ‘PARTNERSHIP’ NI SARA SA CHINA

MISTULANG nilaglag na rin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang kanyang Bise Presidente na si Sara Duterte pagdating sa isyu ng China na nangangamkam sa teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS).

Sa interpelasyon ni Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel sa deliberation sa budget ng Office of the President, tinalakay nito ang relasyon ni Duterte sa China sa gitna ng girian ng dalawang bansa sa pinag-aagawang teritoryo.

“Bahagi po ng message ng Vice President sa China on its 74th founding anniversary and I quote: We hope that our partnership will prosper especially in the areas of agriculture, trade, investment, science and technology and people to people relations,” ani Manuel.

Ayon sa mambabatas, ang ganitong pahayag ay hindi kapareho sa malamig na pakikitungo ni Defense Secretary Gilbert Teodoro sa China dahil sa patuloy na pangangamkam ng mga ito sa WPS.

“Yun pong kanyang (VP Sara) statement, marahil hindi po talaga…hindi naman yun official stand ng buong pamahalaan Mr. Speaker,” sagot ni ACT-CIS party-list Rep. Erwin Tulfo na sponsor sa budget ng OP.

“With the remark of the Vice President, maituturing ba natin na pagtraydor ng ating Bise Presidente?,” sundot na tanong pa ni Manuel na sinagot ni Tulfo ng “Mr. Speaker, yung mensahe ng Vice President ay sa kanya po yung mensahe but it does not reflect the message of Office of the President or the entire nation”.

Kasamang tinalakay sa budget ng OP ang ibinigay ni Marcos na confidential fund kay Duterte noong 2022 na umaabot sa P125 million at nagastos ng Bise Presidente sa loob lamang ng 11 araw.

Ayon kay Manuel, sa nakaraang 11 taon, P110 million lamang ang Intelligence Fund ng Philippine Coast Guard (PCG) dahil binibigyan lang ito ng P10 million kada taon na hindi hamak na mas maliit kumpara sa P125 million ni Duterte noong 2022.

Hindi aniya ito nagtataka na nasakop na ng China ang ilang teritoryo ng Pilipinas sa WPS at patuloy na inaagaw ang mga natitirang teritoryo dahil imbes na buhusan ang PCG ng pondo ay mas inuuna ni Marcos si Duterte.

(BERNARD TAGUINOD)

242

Related posts

Leave a Comment