NAGING payapa at maayos sa kabuuan ang mga aktibidad ng iba’t ibang grupo sa paggunita ng ika-54 anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law nitong Setyembre 21, ayon sa Philippine National Police (PNP).
Sa isinagawang pulong balitaan sa Camp Crame, sinabi ni PNP Spokesperson PCol. Allen Rae Co na tatlong pagtitipon sa Metro Manila ang minonitor ng pulisya hanggang alas-11 ng umaga, na may kabuuang 350 indibidwal.
Wala aniya sa mga grupo ang nag-apply ng rally permit kaya dapat isagawa ang mga pagtitipon sa mga itinalagang freedom park.
Pinakamarami sa mga na-monitor na raliyista ang nasa San Sebastian St. corner Recto Avenue sa Maynila na may 250 indibidwal.
Nasa 70 naman ang nagtipon sa España Boulevard, habang 30 ang nasa Nagtahan Street sa Sta. Mesa.
Tiniyak ni Co na ipatutupad ng PNP ang maximum tolerance sa lahat ng mino-monitor na pagtitipon alinsunod sa kautusan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Samantala, dalawang indibidwal ang nahuli sa Maynila dahil sa pag-vandalize. Hindi naman sila inaresto kundi pansamantalang pinigilan bago kalaunang pinalaya.
Palasyo: Karahasan Iwasan
Hinimok naman ng Malacañang ang mga kalahok sa mga kilos protesta na iwasan ang karahasan at pananakit.
Sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro na malaya ang iba’t ibang grupo na magpahayag ng kanilang saloobin at hindi sila pipigilan sa pagsasagawa ng kanilang mga pagkilos.
Gayunman, hiniling ni Castro na huwag nang magkaroon ng karahasan dahil bukas aniya ang pamahalaan, kabilang si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., sa mga panawagan ng mga magsasagawa ng protesta.
Tiniyak din ng Malacañang na nakahanda ang PNP na bantayan ang mga rally site at tiyaking mapayapa ang mga inaasahang demonstrasyon.
Work-From-Home Muna sa NEB
Samantala, nagpatupad ang Malacañang ng pansamantalang work-from-home arrangement para sa mga kawani na nakatalaga sa New Executive Building (NEB).
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Secretary Dave Gomez na pansamantalang hindi pinag-report nang face-to-face sa kanilang mga tanggapan ang mga kawani na nag-oopisina sa NEB.
Ayon kay Gomez, bahagi ito ng standard security protocols ng Malacañang kaugnay ng inaasahang mga kilos protesta.
Tuloy naman ang trabaho ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
(TOTO NABAJA at CHRISTIAN DALE)
29 