PEKENG ‘FREE WI-FI’ PROJECTS SISILIPIN NG OMBUDSMAN

MGA pekeng proyektong “Free Wi-Fi” o mga proyektong may itinayong kagamitan ngunit walang epektibong internet service ang target ngayon ng Office of the Ombudsman sa isinasagawang malawakang imbestigasyon.

Ayon kay Assistant Ombudsman Mico Clavano, maaaring nabubudol ang publiko sa mga naturang proyekto dahil bagama’t may mga hardware gaya ng routers na itinayo sa ilang lugar, hindi naman gumagana o walang epektibong internet service na naibibigay sa mga mamamayan.

Nakatutok ang imbestigasyon sa mga software na ginamit sa mga proyekto na pinondohan umano ng bilyun-bilyong piso mula sa pamahalaan.

Batay sa paunang pag-aaral ng Ombudsman, lumalabas na hindi maayos at kulang ang mga sistemang ginagamit upang maipakita lamang na may gumaganang libreng Wifi sa mga pampublikong lugar.

Kasunod ito ng naunang isiniwalat ng Ombudsman hinggil sa umano’y “ghost internet scheme” sa mga IT systems ng pamahalaan, kung saan ginagamit umano ng mga kontraktor ang mga lumang software at pekeng sistema habang patuloy na naniningil para sa mga inilagay na kagamitan.

Iginiit ni Clavano na patuloy na sinusuri ng kanilang tanggapan ang mga software na ginamit sa mga proyekto upang matukoy kung may iregularidad sa pagpapatupad at paggamit ng pondo.

Patuloy rin ang pagsusuri sa mga sistemang umano’y ginamit upang palabasin na mayroong gumaganang libreng Wi-Fi sa mga pampublikong lugar.

(JULIET PACOT)

44

Related posts

Leave a Comment