May adjustment ulit para sa Simbang Gabi CURFEW HOURS SA METRO MANILA 12 A.M. – 4 A.M. NA

NAPAGKASUNDUAN ng Metro Manila mayors na magpatupad ng pinaikling curfew hours simula ngayong linggo bilang bahagi ng hakbang ng pamahalaan na pagaanin ang restrictions sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Sa Palace briefing ay sinabi ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) general manager Jojo Garcia na ang bagong curfew hours ay mula alas-12 ng hatinggabi hanggang alas- 4 ng madaling araw.

“In-adjust na natin ‘yung curfew ng 12 a.m. to 4 a.m. At ito po ay mangyayari itong linggong ito dahil aayusin pa po ‘yung mga ordinansa ng ating mga mayors,” ayon kay Garcia.

Iyon nga lamang, tanging ang Navotas ang magpapatupad ng curfew hours na simula alas-8 ng gabi hanggang alas-5 ng madaling araw.

Ani Garcia, ang katuwiran ni Navotas Mayor Toby Tiangco ay nais niyang manatili ang nasabing iskedyul ng curfew hours dahil ang Navotas ay mayroong mas malaking residential areas kumpara sa industrial sites.

Ani Garcia, ang adjustment ay tinalakay ng Metro Manila mayors at ilang opisyal ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF).

Sa nasabi pa ring briefing, sinabi ni Garcia na ang curfew hours ay magkakaroon ng adjustment pagdating ng Disyembre upang bigyang daan ang tradisyonal na Simbang Gabi.

Aniya, magsisimula naman ang curfew hours simula alas-12 ng hatinggabi hanggang alas-3 ng madaling araw simula Disyembre 1.

Nauna rito, inirekomenda ng Metro Manila Council sa Inter-Agency Task Force (IATF) na iklian ang curfew hour sa Metro Manila mula alas-12:00 ng hatinggabi hanggang alas- 4:00 ng madaling araw mula sa dating alas-10:00 ng gabi hanggang alas-5:00 ng madaling araw.

Habang ang apela naman ng Simbahang Katoliko ay mas iklian pa ang curfew hours para mas maraming mass services ang magawa sa Simbang Gabi na magsisimula sa Disyembre 16.

Ang apela ni Manila Bishop Broderick Pabillo ay gawin itong mula alas-12:00 ng hatinggabi hanggang alas-3:00 ng madaling araw mula sa dating alas-12:00 ng hatinggabi hanggang alas-5:00 ng madaling araw.

“Damihan yung misa para magkaroon ng physical distancing. Kung marami ang misa, kakalat ang tao,” ayon kay Bishop Pabillo.

Mas marami aniyang misa ang kanilang gagawin para ma-accomodate ang mga nananampalataya.

“Pwede kami magmisa ng alas-6 ng gabi hanggang alas-6 ng umaga para ma-spread out yung mga tao,” aniya pa rin.

Hiniling din ng Simbahang Katoliko sa Inter-Agency Task Force na payagan ang 30 percent ng churches’ capacity.

“Sana, baguhin nila, kasi kung sa mga restaurant, 30 percent, 50 percent, mas malaki ang simbahan,” Ayon pa kay Pabillo.

Hiniling naman ni Bishop Pabillo sa mga Filipino na dumalo sa mass services ngayong Undas lalo pa’t karamihan sa mga sementeryo ay sarado para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.

“Yung Undas naman, pakiusap namin sa mga tao, magsimba sila sa Nov. 1 and Nov. 2. Pwede sila magsimba, dadamihan namin ang misa sa simbahan,” lahad nito. (CHRISTIAN DALE)

179

Related posts

Leave a Comment