DATING COMELEC CHAIRMAN MELO, PUMANAW NA

PUMANAW na ang dating Commission on Elections (Comelec) chairman at dating justice ng Supreme Court (SC) na si Jose Armando Melo nitong Linggo sa edad na 88.

Nabatid ng SAKSI Ngayon na matagal na ring nagpapagamot si Melo sa Cardinal Santos, ngunit hindi inilabas sa media ng kanyang pamilya ang sakit ng dating opisyal.

Si Melo ay itinalagang pinuno ng Comelec ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo noong Enero 2008.

Ito ay anim na taon matapos niyang magretiro mula sa SC noong Mayo 30, 2002.

Iniluklok siyang mahistrado sa SC noong Agosto 10, 1992 ni Pangulong Fidel Ramos mula sa pagiging mahistrado sa Court of Appeals (CA).

Bago siya inilagay ni Pangulong Corazon Aquino sa CA noong 1986, nagtrabaho siya sa Office of the Solicitor General (OSG) noong panahon ni Pangulong Ferdinand E. Marcos.

Si Melo ang ikalawang Comelec chair na yumao ngayong taon.

Nagtapos ng abogasya si Melo sa Manuel L. Quezon University-College of Law noong 1956.

Matatandaang pumanaw na rin si dating Comelec Chairman Sixto Brillantes matapos dapuan ng COVID-19 nito lamang nakalipas na Agosto. (NELSON S. BADILLA)

 

305

Related posts

Leave a Comment