MAYOR BASTE ISINALANG BILANG HOSTILE WITNESS

NANUMPA si Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte bilang testigo sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Senate Impeachment Court nitong Setyembre 29, 2026. (DANNY BACOLOD)

IDINEKLARA ng Senate Impeachment Court bilang hostile witness sa impeachment trial ng kapatid na si Vice President Sara Duterte si Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte.

Pasado alas-9 ng umaga nitong Martes nang dumating sa Senado si Mayor Baste upang tumalima sa subpoena ng impeachment court.

Sa pagsisimula ng Day 31 ng impeachment trial, pinangunahan ni dating Supreme Court Spokesperson Atty. Theodore Te ang presentasyon kay Mayor Baste bilang hostile witness ng prosecution.

Ayon kay Te, pangunahing layunin ng pagtatanong kay Mayor Baste ang kanyang nalalaman kaugnay sa mga transaksyon ng Davao City Local Government Unit (LGU) sa GenCorp Industries na iniuugnay sa mga alegasyon laban kay Vice President Sara Duterte.

Iginiit naman ng defense team na irrelevant ang testimonya ng alkalde dahil naitatag na umano sa mga pahayag ng mga naunang testigo ang mga kontrata sa pagitan ng lokal na pamahalaan at ng kumpanya.

Umikot ang unang mga tanong ni Te kay Mayor Baste sa kanyang mga naging pahayag kaugnay sa umano’y motibo ng administrasyon sa impeachment trial laban sa kanyang kapatid.

Matapos makumpirma ni Te kay Mayor Baste ang mga inilabas nitong pahayag laban sa impeachment trial at ang sinabi ng alkalde na hindi siya haharap sa korte kung walang subpoena, hiniling ng prosecution na ideklara itong hostile witness.

Tinutulan ito ng depensa.

Sa ruling ni Impeachment Court Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero, inaprubahan ang deklarasyon kay Mayor Baste bilang hostile witness matapos matukoy ng korte ang adverse interest nito bilang testigo.

Trillanes Lumutang Din

Lumitaw rin sa Senado si dating Senator Antonio Trillanes IV, na nagsabing nagtungo siya roon upang ipakita na handa siyang sumalang sa witness stand sa impeachment trial anumang oras.

Ginawa ito ni Trillanes kahit hindi pa siya naiisyuhan ng subpoena ng Impeachment Court.

Sa panayam, pabiro pa niyang sinabi na “sasamahan” niya si Mayor Baste sa pagharap sa korte.

(DANG SAMSON-GARCIA)

60

Related posts

Leave a Comment