HINDI kinatigan ng Senate Impeachment Court ang kahilingan ng prosecution na piliting umamin si Vice President Sara Duterte sa mga bank at Bureau of Internal Revenue (BIR) records na inihaharap sa impeachment trial laban sa kanya.
Sa ruling ni Impeachment Court Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero nitong Martes, sinabi ng korte na hindi maaaring gamitin ang Rule 26 ng Revised Rules of Civil Procedure upang piliting kilalanin o aminin ng respondent ang mga dokumento dahil maaari itong lumabag sa kanyang constitutional right against self-incrimination sa ilalim ng Article III, Section 17 ng 1987 Constitution.
Ayon sa korte, kung papayagang sagutin ng respondent ang Request for Admission, maaaring maging paraan ito upang mapilit siyang magbigay ng sagot na maaaring magamit laban sa kanyang sarili.
Binigyang-diin din ng impeachment court na hindi maaaring ilipat ng prosecution sa respondent ang burden of proof sa pamamagitan lamang ng Request for Admission.
Tungkulin aniya ng prosecution na patunayan ang mga alegasyon gamit ang competent evidence, habang dapat mabigyan ang respondent ng patas na pagkakataong kontrahin ang mga iniharap na ebidensya.
Bagama’t sinabi ng prosecution na handa itong bawiin ang Request for Admission at sa halip ay humingi ng stipulations, ipinaliwanag ng korte na ang stipulations ay nangangailangan ng pagsang-ayon ng magkabilang panig at hindi maaaring ipilit ng korte.
Sa kabila nito, sinabi ni Escudero na mananatili sa record ang Request for Admission at ang objection dito.
Nauna nang hiniling ng House prosecution kay Vice President Sara Duterte na kumpirmahin ang pagiging tunay ng mga bank records na isinumite sa impeachment court at ang pagmamay-ari niya sa mga account na nakapaloob sa mga rekord.
Sa kabuuan, sinabi ng impeachment court na ang anumang hakbang upang mapabilis ang paglilitis ay hindi maaaring manaig sa mga karapatang ginagarantiyahan ng Konstitusyon, partikular ang karapatan laban sa self-incrimination.
(DANG SAMSON-GARCIA)
71 