IKINATUWA ni House Asst. Majority Leader Rep. Nina Taduran ang desisyon ng gobyerno na isama na ang media workers sa listahan ng mga susunod na batch ng priority group para sa pagbabakuna laban sa COVID-19.
Ayon kay Taduran, nararapat lamang na magkaroon na ng agarang bakuna ang mga manggagawa sa industriya ng media dahil matagal na silang nakalantad sa pandemya dahil sa paghahatid ng balita sa sambayanang Pilipino.
“Hindi naman huminto ang mga balita kahit may pandemya. Sumusugod ang mga mamamahayag kung nasaan ang panganib ng COVID para lamang makapaghatid ng impormasyon. Kahit ang mga nasa technical, sumusuong sa panganib ng virus maibigay lang ang balita sa tao,” ani Taduran.
Ginawa ng mambabatas ang pahayag matapos amyendahan nina testing Czar Vince Dizon at Director-General Karl Chua ng National Economic and Development Authority (NEDA) ang A4 priority list para isama ang media workers sa nasabing grupo.
Sa kasalukuyan, nagkakaroon na ng mass vaccination sa A1 o ang medical frontliners sa pribado at pampublikong pagamutan kasama na ang non-professionals tulad ng students, nursing aides, janitors sa mga hospital, barangay health workers at iba pa.
Kasama sa tinuturukan ng bakuna ay ang senior citizens na pasok sa A2 priority at A3 o ang mga taong may cormibidities at isusunod na ang A4 na kinabibilangan ng essential workers sa mga industriya sa bansa kasama ang mga kagawad ng media.
“Akala ko pababayaan na nila ang media. Marami na ring media workers ang iginupo ng COVID dahil sa kanilang pagtupad ng tungkulin. Mayroong mga nakabangon, mayroong mga nawala. Kailangang-kailangan nila ang proteksyon laban sa COVID,” ani Taduran na dating miyembro ng media.
Umapela rin ang mambabatas sa mga kagawad na media na huwag matakot sa bakuna upang magkaroon ang mga ito ng proteksyon habang ginagampanan ang kanilang trabaho na maghatid ng balita sa bawat mamamayang Pilipino.
Nauna nang itinulak ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) na maisama ang media workers sa government’s priority list ng workers para sa COVID-19 vaccination dahil sa kanilang papel bilang frontliners sa pagbibigay ng balita.
Sa sulat kay vaccine czar Sec. Carlito Galvez ni PTFoMS co-chairman and Presidential Communications Operations Office (PCOO) Sec. Martin Andanar, kasama si PTFoMS Executive Director Joel Sy Egco, umapela ang mga ito na maisama ang media workers sa A4 priority group na kinabibilangan din ng public utility drivers, construction workers, vendors, priests at frontline government workers.
Ayon kay Egco, “much like the work being done by our health workers in saving the lives of our countrymen, the Philippine media have been indispensable in the fight by bringing important and
life-saving information to the people regarding the virus and the measures put in place to stop the disease pursuant to the guidelines and advisories issued by the IATF”.
“Media workers have risked their lives in order to bring the latest news and information to the Filipino people about the virus and its effects. However, as part of the so-called ‘frontliners,’ they are inevitably exposed to health risks and hazards while they are fulfilling their duty to bring the news to the people,” dagdag pa niya. (BERNARD TAGUINOD/JOEL O. AMONGO)
189 