SINABI ni Presidential spokesperson Harry Roque na may Talk To The People si Pangulong Rodrigo Roa Duterte ngayong gabi.
Tatalakayin at ibabahagi ng pangulo kung ano ang kanilang napag-usapan ni Russian President Vladimir Putin ‘via telephone”.
“May Talk to the People po ang pangulo mamayang gabi kaya siya na po ang magsasabi kung ano ang napag-usapan nila,” ayon kay presidential spokesperson Harry Roque.
Nauna rito, nagkaroon ng telesummit sina Pangulong Duterte at President Putin.
Sa statement na inilabas ng Malacañang, muling nagkasundo ang dalawang lider na pag-ibayuhin pa ang kooperasyon sa pagitan ng Pilipinas at Russia sa gitna ng paggunita ng ika-45 anibersaryo ng diplomatikong ugnayan ngayong taon.
Kapwa rin nangako ang dalawang lider na tutulong sa pagsugpo ng COVID-19.
Pinasalamatan ni Duterte si Putin dahil sa pangako na makikipagtulungan sa iba’t ibang larangan kabilang ang pagsugpo sa COVID-19 pandemic.
Umorder na ang Pilipinas ng nasa 20 milyong doses ng Sputnik V ng Russia.
Kapwa naniniwala ang dalawang lider sa kahalagahan ng global production at supplies ng bakuna.
Inulit ni Duterte ang kanyang imbitasyon kay Putin na bumisita sa Pilipinas.
Samantala, dedma lang si Sec. Roque sa patuloy na pambabatikos ng mga kritiko ng pangulo ukol sa sinadya nitong hindi pagpapakita sa publiko ng dalawang linggo.
“Wala kayong magagawa, iyon ang paniniwala ng presidente. Hayaan na po ‘yan,” ani Sec. Roque.
“Estilo po ni Presidente ‘yun. Kanya-kanyang estilo tayo,” dagdag na pahayag nito. (CHRISTIAN DALE)
194 