Tiniyak ng Manila Electric Company (Meralco) na walang tigil ang pagtatrabaho ng mga crew at personnel ng kumpanya para ligtas na maibalik ang serbisyo ng kuryente sa mga lugar na lubhang naapektuhan ng Habagat. Makikita sa larawan ang mga crew ng Meralco na nagsasaayos ng mga pasilidad ng kuryente sa Meycauayan, Bulacan.
“Nagpapasalamat kami sa aming mga customer sa kanilang pang-unawa at tulong na maiparating sa amin ang mga alalahanin sa serbisyo ng kuryente para mabilis namin itong maaksyunan. Makakaasa ang aming mga customer na hindi titigil ang aming mga crew hangga’t hindi naibabalik sa normal ang serbisyo ng kuryente sa lalong madaling panahon,” ani Meralco Vice President and Head of Corporate Communications Joe R. Zaldarriaga.
Sa pinakahuling datos nitong alas-8 ng umaga ngayong Agosto 11, bumaba na sa 18,000 ang bilang ng mga customer na apektado ng antala sa serbisyo ng kuryente—mas mababa sa 1% ng kabuuang customer base ng Meralco. Karamihan sa mga apektadong customer ay nasa Cavite habang ang iba ay nasa Metro Manila, Rizal, Laguna, Bulacan, Quezon, at Batangas.
Patuloy na pinaaalalahanan ng Meralco ang mga customer nito na bigyang prayoridad ang ligtas na paggamit ng kuryente. Para sa mga katanungan at alalahanin tungkol sa serbisyo ng kuryente, maaaring i-report ito sa pamamagitan ng My Meralco app o sa mga opisyal na social media account ng Meralco sa Facebook (www.facebook.com/meralco) at X na kilala dati bilang Twitter (@meralco). Maaari rin sumangguni sa pamamagitan ng pag-text sa 0920-9716211 o 0917-5516211 o pagtawag sa Meralco Hotline 16211.
79 
