(NI KEVIN COLLANTES)
UMAPELA sa kanilang mga mananakay ang pamunuan ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) na huwag sandalan ang mga pintuan ng kanilang mga tren upang makaiwas sa aberya.
Ito’y kasunod nang aberya na dinanas ng isang tren ng MRT-3 dakong alas-6:34 ng umaga nitong Miyerkoles sa southbound lane ng Ortigas Station, kung saan napilitan silang magpababa ng may 800 pasahero.
Ayon sa Department of Transportation (DOTr), nabatid na ang aberya ay sanhi ng “door failure glitch.”
Posible umanong dulot ito nang pagsandal ng mga pasahero sa pintuan o di kaya’y pwersahang pagbubukas dito.
Mabuti naman at kaagad ring naayos ng mga tauhan ng MRT-3 ang problema at matapos lamang ang pitong minuto ay naisakay sa kasunod na tren ang mga pinababang pasahero at naihatid sa kanilang destinasyon.
Nabatid na ito na ang ikatlong sunod na araw na nagkaroon ng aberya ang MRT-3 ngayong linggong ito.
Noong Lunes ay nagpatupad ng limitadong operasyon ang MRT-3 dahil sa problema sa ng Overhead Catenary System (OCS) power sa bahagi ng Guadalupe Station hanggang sa tunnel, na naging sanhi ng naturang problemang teknikal.
Nagkaaberya rin naman ang isang tren nito noong Martes dahil sa electrical failure.
Ang MRT-3, na bumibiyahe sa kahabaan ng Epifanio delos Santos Avenue (EDSA), ang siyang nagdudugtong sa North Avenue, Quezon City hanggang sa Taft Avenue, Pasay City at pabalik.
139