PAMAMAHAGI NG SCHOOL SUPPLIES NILARGA NG TAGUIG LGU

SINIMULAN na ng Pamahalaang Lungsod ng Taguig ang pamamahagi ng school supplies sa mga mag-aaral ng lungsod, kabilang ang mula sa 10 bagong barangay ng EMBO noong Martes (Agosto 22).

Depende sa antas ng kanilang baitang, ang mga estudyanteng Taguigueño ay makatatanggap ng school packages na may kasamang bag, daily school uniform at PE uniform, medyas, black shoes, rubber shoes, at kumpletong set ng mga pangunahing gamit sa paaralan.

Ang mga mag-aaral sa Day Care at Kindergarten ay tatangggap ng karagdagang health kits.

Personal na pinangunahan ni Taguig Mayor Lani Cayetano ang pamimigay ng school supplies sa mga mag-aaral ng Pitogo High School at Upper Bicutan Elementary School.

Sinabi nito na higit sa mga materyal na bagay, ang presensiya ng pamahalaang-lungsod ay patunay ng kanilang kahandaan na suportahan ang mga mag-aaral, para sa kanilang mga pangarap at mithiin sa buhay.

“More than the material things na itu-turn over, ang presence po natin ngayon ay testamento sa kahandaan nating lahat to really support our learners, to really support their dreams and aspirations in life, and to do our best to show them that we are. ready to cooperate—handa tayong magkaisa pag ang pinag-usapan ay ang kanilang future,” sabi ni Mayor Lani.

Sa kanyang welcome message ay binigyang diin ni Pitogo High School Administrative Officer Dr. Mary Rose M. Roque ang kahalagahan ng araw na ito na kanyang tinuring na “day of significance, a day that we come together to welcome and embrace change, growth and the promise of the future.”

“The act of receiving these supplies signifies the transition of one phase to another, a transition that is marked by anticipation, enthusiasm, and a sense of readiness, to explore the uncharted territories of knowledge. Therefore equipping our very own students the means to express themselves and flourish,” dagdag pa ni Roque.

Kinausap din ni Cayetano ang mga mag-aaral ng naturang paaralan at ipinaliwanag sa mga ito ang mga programa ng Taguig City LGU.

Kasabay nito, inilunsad ni Cayetano ang Lifeline Assistance for Neighbors in-Need (LANI) Scholarship Program, na aniya ay bukas para sa lahat ng mga estudyante hindi lamang sa mga kabilang sa Top 10 ng klase.

Ang high school graduates ay maaring makatanggap ng P15,000 hanggang P50,000.

Samantala, ang mga nagre-review para sa board at bar exams ay maaaring tumanggap ng hanggang P20,000 at karagdagang P50,000 kapag sila ay pumasok sa Top 10 ng successful examinees.

Ang programa ay nagbunga na ng higit 3,200 licensed professionals.

Ang mga public at private school teachers na kumukuha ng master’s at doctoral degrees at maaring makatanggap ng P18,000 hanggang P60,000 depende sa kanilang eskuwelahan at ito ay napakinabangan na ng halos 2,000.

(DANNY BACOLOD)

232

Related posts

Leave a Comment