MGA BOTANTE ILLITERATE?

MANINIKTIK ni GREGORIO SAMAT 

NAKABABAHALA ang report ng Philippine Statistics Authority (PSA) na milyong-milyong kababayan natin ang illiterate at ang mga ito ay malamang na mga botante na ngayong 2025 election, kaya ang mga naluklok sa kapangyarihan ay mga walang kwenta at namimili lang ng boto.

Sa Functional Literacy, Education and Mass Media Study (FLEMMS) ng PSA, 6 milyon ang hindi marunong magbasa at magsulat at halos 24 milyon ang nakababasa, nakapagsusulat pero hindi naiintindihan ang binabasa.

Mapaiiling ka na lang din sa resulta ng pag-aaral ng PSA na halos 19 milyon ang nagtapos sa junior high school ang nakababasa, nakapagsusulat pero hindi rin naiintindihan ang binabasa pero pina-graduate mula 2019 hanggang 2024.

Kung pagsasamahin mo ang bilang ng mga no-read, no-write na kababayan natin at mga nakapagbabasa at nakapagsusulat pero hindi nauunawaan ang binabasa, ay aabot na iyan ng 25 milyon at pwede na silang makapagpanalo ng mga senador.

Kaya huwag na tayong magtaka kung marami ang hindi kwalipikadong kandidato ang nananalo at nagiging senador, congressman, mayor, governor at mga sangguniang bayan at sangguniang panglungsod at board member, dahil sa dami ng mga kababayan natin na hindi natuto o walang natutunan sa eskwelahan.

Hindi ako naniniwala na ginagamit ng mga kababayan nating ito ang kanilang utak sa pagpili ng maayos na kandidato para mabago naman ang takbo ng ating bansa at makawala tayo sa corrupt sa pamahalaan.

Madalas mga sikat lang pero hindi kwalipikado o kulang ng kuwalipikasyon ang nahahalal dahil meron tayong mga kababayan na ang mga ibinoboto ay ‘yung mga idolo nilang artista o mula sa angkan ng mga sikat na political family.

Pero ang sinisisi ko sa napakalaking problemang ito sa sektor ng edukasyon ay ang mga kalihim ng Department of Education (DepEd) mula 2019 hanggang 2024? Sino ba ang DepEd Secretary noong 2019 hanggang 2022 at 2022 hanggang 2024?

Nagsilbi bilang DepEd Secretary ni dating Pangulong Rodrigo Duterte si Leonor Magtolis-Briones mula 2016 hanggang June 2022, habang si Vice President Sara Duterte naman ang namuno sa ahensya mula July 2022 hanggang July 2024.

Ibig bang sabihin na hindi epektibo ang dalawang ito sa kanilang naging trabaho kaya lumala ang problema sa sektor ng edukasyon sa bansa at sila ang dahilan kung bakit maraming mga botante ang hindi natuto sa paaralan?

Malaki rin ang kasalanan at pananagutan ng Malacañang sa ilalim ni Digong, na ipinagpatuloy ni Ferdinand Marcos Jr., sa problemang ito, at hindi lang sina Briones at VP Duterte, dahil sila ang pinakatatay ng bansa. Ayaw kong sabihin na pabaya silang ama.

Paano ngayon ‘yan? Matagal-tagal pang boboto ang mga iyan kaya dapat ibalik sila sa paaralan, muling turuan para sa kanilang sariling kapakanan at kapakanan na rin ng bansa sa kabuuan.

72

Related posts

Leave a Comment