MGA KAABANG-ABANG NA PAGBABAGO SA TV5

SA normal na takbo ng buhay bago nag-umpisang balutin ng pandemya ang mundo, mahalaga ang papel na ginagampanan ng media sa paghahatid ng mga balita ukol sa mga nangyayari sa ating bansa at sa mundo.

Ang responsibilidad na ito na makapaghatid ng balita sa publiko ay lalo pang bumigat ngayong panahon ng pandemya.

Ang media ang pinaka-­epektibong paraan upang maihatid ang mahahalagang impormasyon na kailangang malaman ng publiko ukol sa mga nangyayari sa paligid lalo na ngayong marami sa atin ay hindi makalabas ng kani-kanilang mga bahay.

Ang TV5 bilang isang malaking bahagi ng industriya ay pinagsusumikapang mas mapabuti pa ang paghahatid ng serbisyo sa mga manonood.

Maraming bagong mga programa ang inihanda ng istasyon para sa mga manonood. Ang mga programang ito ay pagbibidahan at pangungunahan ng mga batikang pangalan sa industriya ng broadcast at entertainment.

Sa umaga, tayo ay sasamahan at kukwentuhan ng mga balita ukol sa mga kontrobersyal na usapan ng tambalang Ted Failon at DJ Chacha. Bukod pa dyan, isang programa rin ang pangungunahan ni Korina Sanchez-Roxas na pinamagatang Rated Korina.

Ang pagpasok sa TV5 ng dalawa sa itinuturing na mga pinaka-bigating personalidad sa industriya ay tiyak na makadaragdag sa kredibilidad ng istasyon.

Ang desisyong ito ng TV5 na kunin ang dalawang beteranong broadcaster at journalist ay nangangahulugan na sila ay dedikado sa pagpapabuti sa serbisyong ibinibigay nila sa publiko.

Hindi magtatagal ay kikilalanin ang TV5 bilang pinaka-maaasahang istasyon sa bansa pagdating sa kalidad ng programa nito at sa paghahatid ng balita.

Hindi lamang sa pagbabalita balak mamayagpag ng istasyon. Ang pagpapalabas ng serye ng NBA Finals ay isang patunay na pati sa pagbo-broadcast ng isports ay nais din magpakilala ng TV5.

Sa muling pagbubukas ng torneyo ng PBA, nais siguraduhin ng TV5 na magiging maganda pa rin ang karanasan ng mga tumatangkilik sa PBA sa kabila ng pagbabawal sa mga ito na manood ng live. Gamit ang makabagong teknolohiya at sa pakikipag­tulungan ng Smart, sa kauna-unahang pagkakataon ay maibo-broadcast ng TV5 ang PBA gamit ang mabilis na 5G internet.

Upang balansehin ang lahat, bukod sa isports at balita, mayroon ding limang bagong programang inihanda ang TV5.

Ang mga programang ito ay tiyak na kagigiliwan ng mga pamilya lalo na ngayong karamihan sa atin ay nagtatrabaho at nag-aaral mula sa ating bahay.

Ang mga nasabing programa ay pagbibidahan ng mga sikat na artista sa industriya mula sa Viva Communications, Inc.

Ako ay naniniwala na ang lahat ng pagbabagong ito na ginagawa ng TV5 upang mas mapabuti ang serbisyong kanilang ibinibigay sa publiko ang magiging susi upang sila ay taguriang numero uno hindi lamang sa pagbabalita kundi sa lahat ng aspeto ng industriya.

Tunay na dedikado ang TV5 sa serbisyong pampubliko kaya’t hindi magtatagal ay maaabot nila ang rurok ng tagumpay.

154

Related posts

Leave a Comment