ILANG KUMPANYA SA FLOOD CONTROL PROJECTS ‘FRONT’ NG DPWH OFFICIALS

NANINIWALA ang ilang senador na posibleng ginamit ng ilang district engineers ng Department of Public Works and Highways ang pangalan ng Wawao Builders para sa ilang flood control projects partikular sa lalawigan ng Bulacan.

Sinabi ni Senador JV Ejercito na kailangan pang lumabas ang tunay na modus na ipinatutupad ng mga district engineer partikular ang posibilidad na paggamit sa lisensya ng ilang kumpanya subalit sila mismo ang gumagawa ng proyekto.

Hinala naman ni Senador Juan Miguel Migz Zubiri na posibleng front lamang ang Wawao Builders ng mga tunay na sangkot sa iregularidad sa flood control projects.

Ito anya ang dahilan kaya’t wala ring masabi sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee si Mark Allan Arevalo na may-ari ng Wawao Builders.

Samantala, ibinunyag ni Senador Panfilo Lacson na dalawang opisyal ng DPWH sa Bulacan ang itinuturing na big time gamblers.

Isa anya sa mga ito ay nakapagpatalo ng P300 million sa casino at ang isa ay higit pa sa naturang halaga.

Kapwa anya sila gumamit ng alyas o fictitious name upang itago ang pagsusugal at natuklasang ang mga ito ay kapwa salary grade 19 kaya walang duda na galing sa nakulimbat ang perang ipinatalo sa sugal.

2 Dating DE Ipaaaresto

Samantala, pinaaaresto ni Senador JV Ejercito sina dating District Engineers Brice Hernandez at JP Mendoza na napaulat na mayroon ding luxury items, iregular ang work hours at madalas na nasa casino.

Sinabi ng senador na mukhang wala nang planong sumipot sa pagdinig ang dalawang district engineers bagama’t naisyuhan na ng subpoena at na-contempt.

Pinuna rin ni Ejercito ang kapabayaan ni DPWH Bulacan First Engineering District Office official Henry Alcantara sa pag-apruba sa mga maanomalyang flood control projects.

Inamin ni Alcantara na may mga proyekto na nabayaran nang hindi niya nalalaman dahil tiwala siya sa kanyang mga tao na lahat ay nakapirma na.

Tiniyak ng senador na isusulong ang pananagutan sa ghost flood control projects sa Bulacan at Mindoro at matiyak na maipapataw ang full force of the law.

(DANG SAMSON-GARCIA)

163

Related posts

Leave a Comment