BULACAN – Mahigit 700 miyembro ng kooperatiba at samahan ng mga magsasaka at mangingisda sa lalawigan ang nakatanggap ng tulong pang-agrikultura at pangisdaan sa ginanap na Distribution of Agriculture and Fisheries Intervention sa Bulacan Sports Complex sa Sta. Isabel, Malolos City noong Nobyembre 19.
Ito ay bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan, sa pamamagitan ng Provincial Agriculture Office, na paunlarin ang kabuhayan ng mga nasa sektor ng agrikultura at palakasin ang lokal na produksyon ng pagkain.
Ang mga kwalipikadong benepisyaryo, na sumailalim sa masusing pagsusuri at beripikasyon, ay tumanggap ng iba’t ibang makinaryang pansakahan at kagamitang pangisdaan na may kabuuang halagang P10,414,800.00, na pinondohan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan na may layuning suportahan ang kanilang operasyon at pataasin ang kanilang produksyon.
Kabilang sa ipinamahagi ang 285 piraso ng gillnets, 58 yunit ng marine engines, 50 yunit ng cisterns, 27 yunit ng water pumps (STW), 12 yunit ng grasscutters, 10 yunit ng hand tractors, anim na yunit ng portable rice mills, at apat na solar-powered irrigation systems.
Nagkaloob din ng karagdagang suporta ang mga katuwang na ahensiyang pambansa katulad ng Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PhilMech) na nagbigay ng apat na yunit ng 4-wheel drive tractors na nagkakahalaga ng P35,779,000.00; habang ipinamahagi naman ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang 20 yunit ng fiberglass reinforced plastic (FRP) boats na may kasamang 12HP engines na nagkakahalaga ng P1,300,000.
Sa kanyang mensahe, muling pinagtibay ni Gobernador Daniel R. Fernando ang dedikasyon ng pamahalaang panlalawigan sa mga komunidad ng mga magsasaka at mangingisda.
“Maliban po sa pagbibigay ng mga binhing pananim, tayo po sa Pamahalaang Panlalawigan ay nakatutok sa iba pang bahagi ng pagsasaka tulad ng pagtatayo ng imprastraktura, pag-aayos ng mga irigasyon, pagbibigay-kasanayan sa modernong pagsasaka, at pamamahagi ng mga makabagong kagamitan,” ayon sa gobernador.
Nagpaabot din siya ng pasasalamat sa Department of Agriculture Regional Field Office III dahil sa patuloy nitong suporta sa agricultural frontliners ng lalawigan.
Dumalo rin sa turnover ceremony ang mga kinatawan mula sa PhilMech, BFAR, at iba’t ibang Tanggapan ng Pagsasaka ng mga Lungsod at Bayan, bilang pagpapakita ng matibay na pagtutulungan ng iba’t ibang ahensya para suportahan ang sektor ng agrikultura sa Bulacan.
(ELOISA SILVERIO)
52
