HABAMBUHAY NA KULONG SA DALAWANG TULAK NG MARIJUANA

MULING nagbabala ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa mga nagbebenta ng ilegal na droga matapos hatulan ng habambuhay na pagkakakulong ang dalawang drug courier na nahulihan ng halos 20 kilo ng dried marijuana sa Benguet.

Ayon kay PDEA Director General Usec. Isagani Nerez, malinaw ang magiging kaparusahan sa mga mahuhuling sangkot sa ilegal na droga.

Kinilala ang mga nahatulang sina Roldan Jacinto y Lao-an, alyas “Simple Heart,” at Rocky Jet Bagoling y Layogan.

Sa 44-pahinang desisyon na may petsang September 24, 2026, hinatulan ng Regional Trial Court, First Judicial Region, Branch 8 sa La Trinidad, Benguet sina Jacinto at Bagoling matapos mapatunayang nagkasala sa paglabag sa Section 5, Article II ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, na tumutukoy sa pagbebenta ng dangerous drugs.

Bukod sa habambuhay na pagkakakulong, inatasan din ng korte ang dalawa na magbayad ng tig-P500,000 multa.

Nag-ugat ang kaso sa buy-bust operation noong March 3, 2026 sa Betag, La Trinidad, Benguet, na isinagawa ng pinagsanib na pwersa ng PDEA Regional Office Cordillera Administrative Region (CAR) Regional Special

Enforcement Team at Baguio Provincial Office, katuwang ang PNP Benguet Drug Enforcement Unit, Provincial Intelligence Unit, Benguet Police Provincial Office at La Trinidad Municipal Police Station.

Nasamsam sa operasyon ang 19,894.82 gramo ng dried marijuana leaves, stalks at fruitings na nakapakete sa 20 tubular forms, na tinatayang nagkakahalaga ng P2,387,378.40.

(JESSE RUIZ)

61

Related posts

Leave a Comment