MGA TAGA MARIKINA TIYAK NA BABANGONG MULI

TOTOO namang kalunos-lunos ang sinapit ng ­marami nating mga kababayan na residente ng Barangay Tumana. Isama rin natin ang mga taga Barangay Nangka, Malanday at ang mga residente ng Provident Village sa lungsod ng Marikina.

Sila yung tinamaan ng husto ng bagyong Ulysses makaraang lumubog ang mga bahay sa mga nabanggit na lugar matapos ang walang tigil na pag-ulan.

Personal nating nakita ang kanilang sinapit. Ang mahirap, pagkatapos ng baha ay putik, burak at basura ang naiwan sa bawat sulok ng mga nabanggit na barangay sa Marikina City.

Salamat at agresibo ang pamahalaang lungsod sa pangunguna ni Mayor Marcelino ‘Marcy’ Teodoro. Sa tulong na rin ng ­Department of Public Works and Highways (DPWH) at Metropolitan Manila ­Development Authority o MMDA, agad na nalinis ang lugar at nakabalik na rin sa kani-kanilang mga tahanan ang mga residente.

Pero meron pa ring mga residente na nananatili sa ibat-ibang evacuation ­centers dahil sa ngayon wala pa rin silang babalikang mga tahanan.

Isang linggo rin silang nawalan ng supply ng tubig at kuryente kaya hirap na hirap din sila sa paglilinis ng mga lumubog nilang bahay bunga ng bahang idinulot ng bagyong Ulysses.

Dahil sa lakas at magdamagang pag-ulan, umapaw ang Marikina river. Umabot hanggang sa ikalawang palapag ng mga tahanan sa Tumana at iba pang lugar ang tubig baha sa kasagsagan ng bagyong Ulysses.

Magugunitang nangyari din ito noong Ondoy taong 2009 at nung Habagat taong 2013.

Pagkatapos ng dalawang nabanggit na mga insidente, manaka-naka na lang ang mga naging pagbaha sa Tumana, Marikina. Kahit paano ay may mga nagawang proyekto sa kanilang ilog gaya ng paglalagay ng matatatag na dike, pagpapalalim nito at pag-aalis ng anomang mga nakakasagabal sa daluyan ng tubig sa Marikina River.

Ang mga residente naman ay naging kampante. Karamihan ng mga bahay sa Tumana ay meron ng 3rd floor dahil na rin sa inaasahang mga pagbaha. Pero hindi nila lubos akalain na mangyayaring muli ang delubyo na sinapit nila mahigit isang dekada na ang nakararaan.

Kinaumagahan habang nananalasa si Ulysses, ­marami sa mga taga Tumana at iba pang mga barangay ang napilitang magpunta sa kanilang mga bubungan dahil sa mabilis na pagtaas ng baha.

Alam natin na ang lungsod ng Marikina ay ­itinuturing na catch basin. Kung pupunta ka sa lungsod na ito kapansin-pansin na masyadong mababa ang lugar kumpara sa mga karatig lungsod nito gaya ng Quezon City at Antipolo City.

Ang malakas na agos naman ng tubig na galing sa mga kabundukan ng Montalban ang siyang nagiging sanhi ng pag-angat ng tubig sa Marikina River bukod pa sa pagpapakawala ng tubig sa mga dam na malapit sa ilog gaya ng Wawa dam at La Mesa Dam.

Noong panahon daw ng mga kastila, sinasabing ang Marikina river ay isa sa napaka-importanteng ruta para sa transportasyon. Karugtong kasi nito ang Pasig river na maaari pang magtuloy-tuloy hanggang sa Laguna de Bay at Manila Bay.

Pero dahil sa paglipas ng panahon at tinatawag na pag-unlad o ­industriyalisasyon, napabayaan na ang ilog na ngayon ay isang bangungot para sa mga residente at pamahalaang lungsod.

Sa kabila ng pangyayari, makikita pa ring nakangiti ang mga taga Marikina City. Personal kong nasaksihan ito ng mapadaan ako sa lugar at mamahagi ng used clothes, banig, bigas, ­noodles, at i­lang mga delata.

Nakausap ko rin ang Barangay Chairman ng Tumana na si Ziffred Ancheta. Nagpapasalamat siya sa lahat ng tulong na tinatanggap nila hindi lamang sa national ­government, pamahalaang lungsod kundi pati na rin sa ibat-ibang grupo at ­organisasyon na nagpapadala ng tulong.

Maaaring sanay na sila sa ganitong sitwasyon pero walang papantay sa sakit at mapait na kanilang sinapit kay bagyong Ulysses.

Pero gaya ng dati, babangon at babangon sila upang harapin ang buhay. Tiyak na babangon muli ang mga taga Marikina City. Kapit lang kayo mga Marikenyo!

247

Related posts

Leave a Comment