MABBALO (THANK YOU)

BILANG isang Cagayano, nagpapasalamat ako sa mga tao at mga grupo at mga organisasyon na naghatid at patuloy na naghahatid ng tulong sa mga kababayan ko na sinalanta ng matinding pagbaha.

Alam ko, bawat relief goods na tinatanggap ng mga kababayan ko sa mga taong nagmamalasakit ay may kasunod na katagang “Thank You”, “Salamat” at Mabbalo (Ybannag ito na ang ibig sabihin sa tagalog ay salamat). Pero susugan ko lang… salamat, salamat, salamat sa lahat.

Patunay lang na ang mga tulong ay kusang dumarating sa mga biktima ng kalamidad na walang sinuman ang magtutulungan sa hirap at ginhawa kundi tayo-tayong mga Filipino rin at masaya akong nakikita na buhay na buhay ang ­bayanihan sa ating kultura.

Nakakataba ng puso na makita mong maraming mga tao ang tumutulong. Nagkukusa silang nagdadala ng relief goods kahit hindi kailangang humingi at magmakaawa sa kanila.

Napakalaking bagay ang mga tulong ng mga pribadong indibidwal, grupo at organisasyon para makatawid ang mga ­Cagayanos na labis na nasalanta ng pagbaha, habang sila ay naghahanda sa pagbangon.

Kung wala ang mga taong ito na kusang nagdadala ng tulong sa mga nasalanta ng bagyong ­Ulysses ay tiyak na marami ang magugutom lalo na kung ang aasahan lang ay ang tulong ng gobyerno.

Tanggapin na natin, hindi kaya ng gobyerno mag-isa. Kung aasahan mo ang relief operations ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), magugutom ang mga tao dahil hindi yun darating agad-agad.

Maraming proseso ang pinagdadaanan muna ng relief operations ng DSWD at idinadaan pa ang mga ito sa mga local officials, ipapasa sa mga barangay officials bago matanggap ng mga nangangailangan ng agarang tulong.

Ang relief operations kasi ng DSWD ay limitado ang nabibigyan kaya may mga nababalitaan tayo na nagaaway-away ang mga barangay officials kung sino ang dapat bigyan at may mga nakukuha tayong impormasyon na inuuna nila ang kanilang sarili bago ang mga mas nangangailangan.

Hindi tulad ng mga pribadong indibiduwal, grupo at organisasyon na idinederetso na nila ang kanilang dinalang tulong sa mga tao. Hindi na kailangan mag-audit at sila mismo ang nagbibigay.

 

Kaya napakalaking bagay ang ginagawa ng mga taong may ­mabubuting kalooban para tulungan ang mga nangangailangan at biktima ng kalamidad…man-made man o gawa ng kalikasan.

Naisalba nila ang ilang araw na pangangailangan ng mga taong nasalanta ng bagyo, ng baha at mula sa puso ng mga Cagayanos, nabiktima man o hindi ng tinatawag naming “ziwat” ay taong puso kaming nagpapasalamat sa inyo.

Hindi man namin maibalik ang utang na loob na ito sa inyong tulong, dalangin namin na kayo ay lalong pang pagpalain ng ating Poong Maykapal. “Mabbalo-c nikamu ngamin”

Sana lang din ay makabangon agad ang mga Cagayano sa delubyong ito sa lalong madaling panahon. Hindi biro ang problemang ito sa Cagayan at Isabela dahil mangangahulugan ito ng mas matinding gutom.

Trabaho na ng ­gobyerno, lalo na ang national government na ­ibangon ang mga nasalanta ng bagyo, hindi lamang sa Cagayan at Isabela kundi sa lahat ng lugar na dinaanan ng mga bagyong Quinta, Rolly at Ulysses.

Sana lang ay agad nilang tulungan ang mga magsasaka lalo na ang ikinabubuhay nila. Dapat ay ayusin ang p­roblema na naging dahilan ng malakawang pagbaha na ito. Baka kasi pagkatapos ng ilang buwan at ­nakabangon na ulit ang mga tao ay malilimutan na naman ang problema at saka lang maalala kapag may nangyari na namang sakuna.

336

Related posts

Leave a Comment