Motorista inilagay sa panganib VIRAL NA TRUCK DRIVER INISYUHAN NG SHOW CAUSE ORDER NG LTO

SANHI ng kawalan ng disiplina, naglabas ang Land Transportation Office (LTO) sa pamumuno ni LTO chief, Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, ng show cause order (SCO) bilang bahagi ng imbestigasyon hinggil sa isang insidente na kumalat sa social media kung saan isang truck ang nasangkot sa isang mapanganib na sitwasyon.

Makikita sa viral video na may isang motorista na nakatayo sa harap ng truck subalit ang sasakyan ay nagpatuloy sa pag-andar kahit maririnig na malakas na isinisigaw ng asawa ng nasabing motorista na ito ay nagtutulak ng truck habang gumagalaw ito. Subalit patuloy pa rin ang truck sa pag-abante na nagdulot ng panganib sa buhay ng motorista.

Ayon sa SCO, ang may-ari at driver ng truck ay kailangang magsumite ng kanilang verified comment/explanation sa Intelligence and Investigation Division sa Enero 28, 2026, dakong alas-2:00 ng hapon.

Kailangang ipaliwanag ng driver kung bakit hindi siya dapat managot sa kaso ng reckless driving at improper person to operate a motor vehicle. Ang may-ari ng sasakyan ay kailangan ding ipaliwanag kung bakit hindi siya dapat managot sa kaso ng pag-employ ng isang reckless na driver.

Kaugnay nito, alinsunod sa SCO, ang truck ay ilalagay sa alarm status at ang lisensya ng sangkot na driver ay sususpendihin ng siyamnapung (90) araw habang isinasagawa ang imbestigasyon sa insidente.

Samantala, mariing naman ipinaalala ni Asec. Lacanilao, “Ang insidenteng ito ay isang paalala na ang lahat ng mga driver at operator ng sasakyan, pribado man or pampubliko, ay may pananagutan na tiyakin na ang kanilang mga aksyon ay sumusunod sa mga batas trapiko at nagpapahalaga sa kaligtasan ng lahat. Hinihikayat ko ang lahat ng mga driver na maging disiplinado at may respeto sa mga gumagamit ng kalsada upang maging ligtas at payapa ang ating mga lansangan.”

(PAOLO SANTOS)

27

Related posts

Leave a Comment