SINITA ni Senador Erwin Tulfo ang Chinese Embassy sa pagkondena nito sa mga pahayag ng ilang opisyal ng Pilipinas hinggil sa isyu ng West Philippine Sea.
“Wala kayong karapatan na sitahin ang mga opisyal namin sa mga pahayag nila hinggil sa pagkamkam ninyo sa aming mga teritoryo,” ani Sen. Tulfo.
Ito ang mainit na reaksyon ng Senador matapos sabihin ni Chinese Embassy Deputy Spokesman Guo Wei na hindi lisensya ang freedom of speech para siraan ang iba lalo na ang lider ng ibang bansa.
Dagdag pa ni Guo, hindi ito katanggap-tanggap dahil sa social media post kamakailan ni Philippine Coast Guard Spokesman for the West Philippine Sea, Comm. Jay Tarriela, na nagpakita ng isang AI-generated video ni Pres. Xi Jinping na galit na galit, nagfe-flex ng kanyang muscle at may tangan na maliit na bangka na may watawat ng Pilipinas.
Giit naman ni Tulfo, “kung hindi gusto ng Chinese Embassy officials kung papaano gumagana ang demokrasya sa Pilipinas, maaari silang lumayas anytime”.
“Our house…our rules. Freedom of Speech is in our Constitution,” pagdidiin pa ng mambabatas.
Dagdag pa ni Tulfo, “Palibhasa walang freedom of speech sa kanilang bansa dahil ang mga kritiko ikinukulong, ang media pinapatahimik, at ang opinyon kinokontrol doon”.
Payo niya sa mga opisyal ng China na nasa bansa: “if you want respect from Filipinos then respect our Constitution. Respect our officials. Respect our freedom of speech. And respect the simple truth that this is not your country.”
32
