MOTORISTA SEMINAR MUNA BAGO LISENSYA

traffic

INIHAYAG ni Land Transportation Office (LTO) chief Edgar Galvante na kailangan munang pumasa sa Comprehensive Driver’s Education (CDE) program o seminar bago magsumite ng application ang mga motorista na kukuha o magre-renew ng kanilang lisensiya.

“Ito’y para sa mga magre-renew ng kanilang lisensiya, professional man o non-professional.

Paglilinaw ni Galvante, nire-require ng batas na ang sino magre-renew ay kailangang dumaan muna sa parang refresher seminar, at para mabigyan umano ang mga motorista ng sapat na panahon para makumpleto ang kanilang CDE requirement ay pinalawig pa ng ahensiya ng dalawang buwan mula sa date of expiration ang validity ng kanilang mga lisensiya.

 “Yung mga due na magre-renew niyan, huwag muna sila magpunta sa LTO kung hindi pa nila nakakamit ‘yung certificate na nagpapatunay na nagtapos na sila nung seminar,” payo pa ni Galvante.

Ang CDE ay libre umano sa lahat ng tanggapan ng LTO, gayundin sa website, Facebook page, at YouTube channel nito at ito ay maaari ring gawin sa accredited driving schools ng ahensiya nang may bayad at ang aktwal na eksaminasyon ay isasagawa naman sa Land Transportation Management System portal, gayundin sa ilang tanggapan ng LTO at ang mga hindi makapapasa ay maaari namang mag-retake ng seminar.

Noong Oktubre 28 ay sinimulan na ng LTO ang pag-iisyu ng driver’s license na may ten-year validity.

Binigyang diin din ng LTO chief na ang mga motorista na walang paglabag sa batas trapiko ang tanging maiisyuhan ng lisensiya na ‘valid for 10 years’, habang ang mga may paglabag ay makakukuha lamang ng lisensiya na ‘valid for five years’. (LILY REYES)

191

Related posts

Leave a Comment