BUKOD sa perimeter security sa mga vaccination centers, bukas din ang Philippine National Police (PNP) sa posibilidad ng pangangasiwa sa pagbabakuna sa mga kabataan edad 12 hanggang 17 – sakaling kailanganin.
“The Medical Reserve Force is on standby and is ready for deployment to help facilitate the inoculation process should our LGUs require assistance in their local vaccination programs,” pahayag ni PNP chief General Guillermo Eleazar.
Ayon pa kay Eleazar, handa na rin ang kanilang hanay para tulungan ang pamahalaan sa itinakdang araw ng pagbabakuna ng mga menor de edad sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Inatasan na rin ng heneral ang mga field at unit commanders na makipag-ugnayan sa mga local government units (LGU) para sa maagap na pagbalangkas ng security plans na magbibigay katiyakan para sa maayos na pagbabakuna sa mga kabataan. Higit pa sa seguridad, dapat din aniyang tiyakin ang pagpapatupad ng minimum public health standards sa mga inaasahang lalahok sa government vaccination kontra COVID-19.
Inaasahang sumipa ang pagbabakuna ng mga kabataang edad 12 hanggang 17 pagkatapos ng Undas.
Base sa pahayag ni vaccine czar Carlito Galvez, target ng pamahalaang tapusin ang pagbabakuna sa mga kabataan sa Disyembre ng kasalukuyang taon. (JESSE KABEL)
291 