PAGGASTA SA UNPROGRAMMED APPROPRIATIONS MULA 2022 PINABUBUSISI

HINIMOK ng People’s Budget Coalition ang Senado na busisiin ang paggamit ng gobyerno sa unprogrammed appropriations sa ilalim ng pambansang badyet mula 2022 hanggang 2025, bilang bahagi ng pagsusuri sa panukalang 2027 national budget.

Ang unprogrammed appropriations ay bahagi ng pambansang badyet na nakalaan sa mga programa at proyektong nakadepende ang pagpapatupad sa pagkakaroon ng karagdagang mapagkukunan ng pondo.

Ayon kay People’s Budget Coalition Co-convenor Zyza Nadine Suzara, wala umanong sapat na impormasyong inilalabas tungkol sa kung paano ginamit ang unprogrammed appropriations mula 2022 hanggang 2025.

Kabilang dito ang P499 bilyong unprogrammed appropriations para sa mga taong 2024 at 2025, na idineklara ng Korte Suprema na labag sa Konstitusyon.

Batay sa pagsusuri ng grupo, inilipat sa unprogrammed appropriations ang bahagi ng pondong dapat sana ay nakalaan sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), Philippine Deposit Insurance Corporation (PDIC) at iba pang government-owned and controlled corporations (GOCCs).

Sa nasabing halaga, 40 porsyento o P195 bilyon ang inilabas para sa Department of Public Works and Highways (DPWH), kabilang ang P107 bilyon na inilaan sa mga flood control project.

May P29 bilyon din mula sa unprogrammed appropriations ang napunta sa Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), habang P10 bilyon naman ang inilaan sa Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) program ng Department of Health (DOH).

Itinuturing ng grupo na mga anyo ng “soft pork” ng mga mambabatas ang mga naturang programa.

Ayon sa People’s Budget Coalition, bumaba ang kredibilidad ng pambansang badyet at tiwala ng publiko rito mula 2022, habang ang mga nagbabayad ng buwis na pinagmumulan ng pondo ang higit na naaapektuhan.

(DANG SAMSON-GARCIA)

71

Related posts

Leave a Comment