Solon sa pagkasira ng bahura sa WPS P33-B SINGILIN SA CHINA

UMAABOT sa P33 bilyon ang halaga ng sinisingil ni Senador Risa Hontiveros sa sinirang bahura ng China sa Panatag Shoal at Spratlys Island sa West Philippine Sea sa inihaing resoluyon na humihikayat sa Executive Department na magharap ng legal at diplomatic pressure sa Chinese government upang itigil ang aktibidad nito.

Sa pahayag, sinabi ni Hontiveros na malawak ang nasirang bahura sa WPS dahil sa panghihimasok at pagtatayo ng isla ng China sa lugar na hindi na maibabalik pa ang nawalang ecosystem.

“China’s sense of entitlement to our seas has caused severe and irreparable harm to our ecosystems,” ani Hontiveros sa paghahain ng PSR No. 369. “Hindi tayo kolonya, kaya panahon nang singilin ng gobyerno ang Tsina,” ayon kay Hontiveros na tumutukoy sa 2016 ruling ng Permanent Court of Arbitration na lumampas ang China sa obligasyon nitong irespeto ang sovereign rights sa continental shelf at exclusive economic zone ng Pilipinas.

Aniya, tinatayang aabot sa P33 bilyon ang halaga ng nasirang bahura dahil sa patuloy na ilegal na aktibidad ng China sa WPS.

Ipinaliwanag pa ni Hontiveros na pinagbasehan sa computation ang 2012 study na inilimbag ng Ecosystem Services, na nagtatakda sa halaga ng bawat ektaryang coral reefs sa halagang US$353,429 habang umaabot sa 1,850 ektarya ang nasirang coral reef sa Panatag at Spratly islands.

Naniniwala si Hontiveros na sinamantala ng China ang kasalukuyang global pandemic upang ituloy ang agenda nito sa rehiyon. “China has taken advantage of this global chaos by constructing artificial islands, installations, and structures in our own territory. This aggression must stop immediately,” giit ni Hontiveros. ESTONG REYES

213

Related posts

Leave a Comment