IBINASURA ng Pasig City Prosecutor’s Office ang kasong frustrated murder na isinampa laban sa isang pulis na na-video habang tinutulak ang isang motorcycle rider sa gitna ng alitan sa trapiko sa kahabaan ng C5 Road.
Ang reklamo ay isinampa ng Quezon City Police District laban kay Staff Sergeant Erwin Lagua matapos kumalat online ang video ng insidente.
Kasama si Atty. Ariel Inton, ipinakita ni Lagua ang order of release na inilabas ng Pasig court nitong Huwebes, Mayo 21.
Matatandaang nag-alok ng libreng legal assistance ang Lawyers for Commuters Safety and Protection kay Lagua matapos mapanood nang buo ang video ng komprontasyon at panunulak.
Sa kumpletong video, makikitang hinabol umano ng complainant ang pulis habang tila inaasar pa ito kahit sinusubukan nang umiwas sa gulo ng huli.
Ayon kay Inton, alam umano ng complainant na pulis ang kanyang hinahabol dahil nakauniporme ito at mistulang video content umano ang habol ng rider matapos nitong sabihin na “Nasa video ka.”
Bagama’t inamin ni Inton na delikado ang pagtulak sa rider habang umaandar ang motorsiklo, sinabi nitong wala umanong “intent to kill” si Lagua upang sampahan ng frustrated murder.
Una nang naghain ang QCPD ng kasong slight physical injuries at malicious mischief laban kay Lagua ngunit kalaunan ay in-upgrade ito bilang frustrated murder batay sa direktiba ni National Police Commission (Napolcom) executive officer Rafael Vicente Calinisan.
Pinuna rin ni Calinisan sina Lt. Col. Edison Ouano at Cpl. Benito Catungal dahil umano sa “wrongful and deliberate downgrade” ng kaso.
Dahil dito, ipinag-utos ni Calinisan ang relief nina Ouano at Catungal sa kanilang puwesto at inatasan ang inspection, monitoring and investigation service ng NAPOLCOM na magsagawa ng imbestigasyon.
Gayunman, sa resolusyong inilabas noong Mayo 15, sinabi ng Pasig prosecutor’s office na walang sapat na ebidensya upang ituloy ang kasong frustrated murder at malicious mischief laban kay Lagua.
Ayon sa piskalya, hindi maaaring sampahan ng malicious mischief ang pulis dahil itinulak lamang umano nito ang motorsiklo ng complainant na si Jhone Vincent Cayanes matapos siyang habulin para komprontahin.
Samantala, binatikos ni Nicolas Torre III ng Metropolitan Manila Development Authority si Calinisan dahil umano sa ginawang “trial by publicity” laban sa pulis.
Sa kanyang Facebook post nitong Biyernes, sinabi ni Torre na hindi dapat maging daan ang NAPOLCOM sa premature judgment laban sa mga pulis.
“Atty. Ralph Calinisan, maraming pulis ang tahimik lang, nagtatrabaho lang, sumusunod lang sa tungkulin—at marami sa kanila ang nasisira ang pangalan, karera, at pamilya dahil sa mga padalos-dalos na pronouncement,” ani Torre.
Dagdag pa nito, hindi umano dapat nauuna ang public condemnation bago ang due process at tamang pagdinig sa kaso.
Matatandaang tiniyak noon ng NAPOLCOM na hindi lamang ang pulis na sangkot ang posibleng managot kundi maging ang imbestigador at hepe ng QCPD-Criminal Investigation and Detection Unit.
58 