P30-M SMUGGLED PORK NAKAPASOK SA PINAS NOONG 2020

TINATAYANG P30 milyong halaga ng baboy ang ilegal na nakapasok sa bansa noong 2020 ngunit humagupit sa hanggang P450 kada kilo ang presyo ng baboy sa mga palengke.

Lumitaw ang nasabing dami ng smuggled imported pork mula sa magkatunggaling bilang ng mga inangkat na baboy sa rekord ng Bureau of Customs (BOC) at Bureau of Animal Industry (BAI).

Nabatid sa pagdinig sa Senado hinggil sa ibinunyag ni Senador Panfilo Lacson, mayroong ‘tongpats’ (binaliktad na salitang patong na ang kahulugan ay padulas) sa importasyon ng baboy na aabot ng P6 bilyon ang kikitain ng sindikato sa loob ng Department of Agriculture (DA).

Sa rekord ng BOC, P225 milyon ang kabuuang halaga ng mga naipasok sa bansa na karne ng baboy noong 2020.

Sa talaaan ng BAI, mahigit P256 milyong halaga ng baboy ang inangkat ng Pilipinas.

Ang BOC ang ahensiyang nakatoka sa importasyon ng mga produktong galing sa ibang bansa, kabilang na ang baboy.

Ang pagsisiyasat naman ng presyo ng mga baboy, manok at iba pang karne na ititinda sa palengke ang tungkulin ng BAI.

Napakalaki ng halos P30 milyong halaga ng baboy na walang taripa, at buwis sa pagpasok nito sa Pilipinas.

Ayon kay Senador Francis Pangilinan, napalaki ng perang hindi pumasok sa BOC noong 2020.

Ang BOC na nasa ilalim ng Department of Finance (DOF) ang isa sa mga ahensiya ng pamahalaan na nagbibigay ng pera sa pambansang pamahalaan.

Dahil sa multi-milyong smuggled pork, binigwasan ni Lacson si DA Secretary William Dar sa korapsyong nangyayari sa importasyon ng baboy.

Ani Lacson, imposibleng hindi alam ni Dar ang nangyayaring korapsyon sa DA.

Idiniin ni Dar sa Senado, walang mangyayaring korapsyon sa importasyon ng baboy.

Sabi dati ni Lacson, P5.00 hanggang P7.00 ang patong ng sindikato sa DA sa bawat kilo ng inangkat na baboy. (NELSON S. BADILLA)

354

Related posts

Leave a Comment