WINAWASAK ng mga kongresista ang respeto sa Kongreso dahil sa away ng mga ito sa hatian ng “pork barrel.”
Ganito ang deskripsiyon ni Senador Panfilo Lacson sa biglang pagsiklab ng tunggalian nina Deputy Speaker at Camarines Sur Rep. Luis Raymund “LRay” Villafuerte, Jr. at Negros Occidental Rep. Arnolfo Teves, Jr. hinggil sa hatian ng pondo ng bawat distrito para sa badyet sa susunod na taon.
Inireklamo ni Teves na P2 bilyon lang ang inilaan sa kanyang distrito, samantalang si Villafuerte ay P11.8 bilyon at kay Speaker Alan Peter Cayetano ay P8 bilyon.
Ang mga nasabing pera ay pasok sa hinihinging badyet ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ipinunto ni Lacson na kailangang manatili ang “statesmanship” sa mga mambabatas.
Ang away nina Villafuerte at Teves sa bilyun-bilyong pera para sa kani-kanilang distrito ay hindi lamang limitado sa dalawa dahil ‘pumutok’ ang balitang mayroong pangkat ng mga kongresista na ‘nakaabang’ sa panawagang patalsikin si Cayetano bilang pinuno ng mababang kapulungan ng Kongreso.
Hindi lang malinaw kung ito na ang pangkat ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco dahil hindi naman si Teves ang nagpahiwatig ng pagpapaalis kay Cayetano sa pinakamataas na posisyon sa mababang kapulungan, kundi si Deputy Speaker at Davao City Rep. Paolo Duterte, anak ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Si Villafuerte ay sanggang-dikit ni Cayetano, samantalang si Teves ay kasamahan ni Velasco sa Partido
Demokratikong Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban), partido ni Pangulong Duterte.
Matatandaang umikot ang banta ni Rep. Duterte noong Biyernes na nitong Lunes (Setyembre 21) ay dapat mabakante ang posisyon ng speaker at 22 deputy speakers ngunit hindi ito nanguari.
Ang impormasyong nakarating sa media ay nakipag-usap umano ang kampo ni Cayetano kay Rep. Duterte at sa kampo ni Velasco.
Pinaniniwalaang hakbang ito ni Cayetano upang hindi agad siya matanggal sa rurok ng Kamara de Representantes.
Sa kasunduang “term-sharing” nina Cayetano at Velasco ay hanggang Oktubre lamang speaker ang una.
Papalit si Velasco na mamumuno sa Kamara hanggang Hunyo 2022.
“This early, we are already seeing the ugly effects of “pork,” ratsada ni Lacson.
‘SPEAKERSHIP
WAR’ LUMALA
Sa kabilang dako, mistulang lumala ang speakership war sa Kamara matapos kastiguhin sa mismong plenaryo si Marinduque Rep. Lord Allan Velasco dahil umano sa panggugulo sa liderato ni Speaker Alan Peter Cayetano.
Sa privilege speech ni Capiz Rep. Fred Castro, kinastigo nito si Velasco matapos lumabas ang isang ulat na bumuo na umano ito ng team para kunin ang liderato ng Kamara kay Cayetano gayung isang buwan na lamang ay siya na ang House Speaker base sa term sharing agreement.
Ang nasabing ulat ay lumutang sa gitna ng panibagong tangkang pagpapatalsik kay Cayetano na ayon sa Taguig-Pateros congressman ay ikaapat na pagtatangka umano ito sa kanyang puwesto.
Ayon kay Castro, kapag nagtagumpay ang pagpapatalsik kay Cayetano ay hindi na masusunod ang term sharing agreement na tanging ang Speakers at chairman ng House committee on accounts ang papalitan.
“Tinatawag ko ang pansin ni Cong. Allan Velasco sa kanyang kasunduan kay Speaker Alan Peter Cayetano na silang dalawa lamang ng chair ng committee ng accounts ang mapapalitan kung matutuloy ang pagsalin ng liderato,” ani Castro.
Ang nasabing kasunduan ay upang magkaroon umano ng maayos na transisyon sa liderato ng Kamara at maipagpatuloy ang trabaho ng Kongreso at hindi madiskaril ang mga priority measure ng Duterte administration.
“To me, this (smooth transition) will never happen if they attempt to remove all the chairmen and all the Deputy speakers in order to replace them with their own people,” ani Castro.
Sinabi pa ni Castro na wala nang maniniwala sa pahayag umano ng kampo ni Velasco na sila ay marangal dahil hindi makapaghintay ang mga ito ng hanggang Oktubre para makaupo bilang Speaker.
Sinita rin ni Castro si Velasco dahil sa nakaraang 13 buwan ay hindi umano ito tumulong sa mga ipinasang batas para sa mga biktima ng pagputok ng bulkang Taal, biktima ng bagyo at maging ng COVID-19 pandemic. (NELSON S. BADILLA/BERNARD TAGUINOD)
165 