PINANGANGAMBAHANG umabot sa 54 katao ang nasawi o nawawala dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan dulot ng Southwest Monsoon o Habagat, na pinalakas ng mga nagdaang bagyong Luis, Maymay, at Neneng sa Luzon.
Sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) kahapon, umakyat na sa 33 ang kumpirmadong nasawi dahil sa epekto ng mga bagyo at Habagat.
Gayunman, hindi pa kasama sa naturang bilang ang mga naiulat na nasawi at nawawala bago mag-weekend.
Ayon kay Office of Civil Defense (OCD) Deputy Administrator Bernardo Rafaelito Alejandro IV sa briefing ng NDRRMC kahapon, ang 33 nasawi ay kabilang sa mga halos beripikado at kumpirmado na.
“Yung 13 na bine-verify pa, hindi pa po nakasama. But again, this is subject to the procedures ng NDRRMC. Once we get the validation, isasama natin,” ani Alejandro.
Hindi pa rin kasama sa talaan ang siyam na Aeta na nalunod sa Zambales habang patungo sa isang vaccination program ng lokal na pamahalaan matapos lumubog ang sinasakyan nilang bangka.
May naiulat ding dalawang nasawi dahil sa rockfall sa Subic Freeport Zone, isa sa Capas, Tarlac, at isa sa Porac, Pampanga.
Samantala, apat ang nawawala matapos bumagsak ang sinasakyan nilang SUV sa Agana Bridge sa Tarlac nang gumuho ang tulay.
Ayon kay Alejandro, bukod sa apat na nawawala mula sa Agana Bridge, tatlo pang indibidwal ang naiulat na nawawala at patuloy na hinahanap ng mga awtoridad.
Sinabi naman ni OCD Director Gregorio Tomas na hanggang alas-12 ng tanghali, umabot na sa 8.8 milyon katao o 2.3 milyong pamilya ang naapektuhan ng sama ng panahon.
Kabilang dito ang mga apektado sa Regions 1, 2, 3, 5, 6 at 9, gayundin sa CALABARZON, Cordillera Administrative Region (CAR), National Capital Region (NCR), at MIMAROPA.
Nasa 47,000 pamilya o halos 165,000 indibidwal ang nananatili sa mahigit 1,000 evacuation centers sa buong bansa.
Samantala, nasa 3,300 kabahayan ang naiulat na nasira, habang tinatayang P6.12 bilyon ang halaga ng pinsala sa imprastraktura at P2.32 bilyon naman sa agrikultura.
Sa Central Luzon, umabot sa halos 600 lugar ang nakaranas ng pagbaha dahil sa epekto ng mga bagyong Luis, Maymay at Neneng, pati na ng Habagat.
Ayon sa NDRRMC, as of 8 a.m., nasa kabuuang 585 lugar sa Region 3 ang naiulat na binaha.
Sa buong bansa, umabot naman sa 608 lugar ang nakaranas ng pagbaha.
(JESSE RUIZ)
71 