PBBM: soberanya sama-samang ipagtanggol MODERN DAY HEROES KINILALA SA ARAW NG MGA BAYANI

PINARANGALAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Lunes ang mga bayaning Pilipino, kabilang ang mga hindi man kilala ngunit nagsakripisyo para sa pagtatatag at pagpapaunlad ng bansa.

Nanawagan din si Pangulong Marcos sa mga Pilipino na isabuhay ang diwa ng kabayanihan sa pamamagitan ng paglilingkod sa bayan at pagtatanggol sa soberanya ng Pilipinas.

Sa kanyang talumpati sa paggunita ng National Heroes Day sa Libingan ng mga Bayani sa Fort Bonifacio, sinabi ng Pangulo na ang okasyon ay pagkakataon hindi lamang upang alalahanin ang mga makasaysayang personalidad na nakipaglaban para sa bansa, kundi upang kilalanin din ang mga ordinaryong Pilipinong patuloy na nagsasakripisyo para sa kanilang pamilya at komunidad.

“Sa pagdiriwang natin ng National Heroes Day, pinararangalan natin ang mga Pilipinong nag-alay ng kanilang tapang, lakas, at, sa ilang pagkakataon, maging ng kanilang buhay para sa kalayaan at dignidad ng ating bansa,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Kabilang sa tinukoy ng Pangulo bilang mga makabagong bayani ang overseas Filipino workers (OFWs), bumbero, pulis, sundalo, emergency responder, guro, healthcare worker, mga magulang at iba pang Pilipinong patuloy na ginagampanan ang kanilang mga tungkulin sa kabila ng mga hamon.

Kinilala rin ni Pangulong Marcos ang Philippine Coast Guard, Armed Forces of the Philippines, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources at mga Filipino fisherfolk sa pagtatanggol sa mga karapatan, kabuhayan at pambansang interes ng bansa sa West Philippine Sea.

“Ilan lamang sila sa maraming mukha ng kabayanihan sa ating panahon,” dagdag ng Pangulo, na binigyang-diin ang patuloy na pagsasakripisyo, paglilingkod at paggawa ng mabuti ng mga Pilipino para sa kapwa at bansa sa iba’t ibang paraan.

Iniugnay din ng Pangulo ang paggunita sa mga kasalukuyang hamon na kinakaharap ng bansa, partikular ang pangangailangang protektahan ang pambansang interes, itaguyod ang rule of law at tiyakin ang seguridad ng mga yamang mahalaga sa mga komunidad ng Pilipino.

Ayon kay Pangulong Marcos, sampung taon na ang lumipas mula nang ilabas ang 2016 Arbitral Award na kumilala sa maritime entitlements ng Pilipinas sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).

Nanawagan din si Pangulong Marcos ng mas pinaigting na pagsisikap na itaguyod ang katotohanan at labanan ang disinformation sa iba’t ibang platform, kasabay ng pagbibigay ng matibay na suporta sa mga Filipino fisherfolk na patuloy na nangingisda sa karagatan ng Pilipinas.

Binigyang-diin din niya ang pangangailangang mapanatili ang integridad ng mga institusyon ng pamahalaan sa pamamagitan ng transparency, accountability at de-kalidad na serbisyo publiko.

Hinimok niya ang mga Pilipino na magtulungan sa pagtataguyod ng isang “Bagong Pilipinas” kung saan matatag na naninindigan ang mga mamamayan sa harap ng mga panggigipit, naglilingkod nang may integridad ang mga institusyon at nananatiling ligtas ang pambansang soberanya para sa mga susunod na henerasyon.

(CHRISTIAN DALE)

58

Related posts

Leave a Comment