(NI ABBY MENDOZA)
PIRMA na lamang ni Pangulong Rodrigo Duterte at magiging ganap na batas na ang First-Time Job Seekers Assistance Act o batas na magtatakda na waive o wala nang babayaran ang mga bagong graduates sa mga dokumentong kukunin nito sa gobyerno bilang requirement sa aplikasyon sa trabaho.
In-adopt at walang naging pagtutol ang House of Representatives sa adoption ng pinagsamang bersyon ng Senate Bill 1629 at House Bill 172.
Sa ilalim ng panukala inaatasan ang lahat ng ahensya ng gobyerno kasama ang government-owned and -controlled corporations (GOCCs) at local government units (LGUs) na huwag mangolekta ng fees o iba pang charges sa mga bagong graduate.
Kabilang sa mga dokumentong karaniwang hinihingi sa pag-a-apply sa trabaho ay ang NBI clearance, police at barangay clearance, postal ID at iba pa.
Nakapaloob din sa panukala ang pagbuo ng Inter Agency Monitoring Committee na pamumunuan ng Executive Secretary kung saan kabilang ang mga pinuno ng CSC, DOLE,DoF,DepEd at CHED na syang magmomonitor sa pagpapatupad ng nasabing panukala.
Hindi naman kasama sa naka-waive ang kinukolektang bayad para sa aplikasyon sa pagkuha ng professional licensure examination ng Professional Regulatory Commission at ng pasaporte.
Upang ma-avail ang waive fees ay kinakailangan lamang na magsumite ng kopya ng diploma o certification ang bagong graduate at dapat ay malinaw ang petsa kung kailan sila naggraduate para mapayagan na mailbre bayarin dahil ang waiver ay may bisa lamang isang taon matapos na makapagtapos sa highschool, kolehiyo o kahit anong vocational at technical course.
Sinabi ni House Committee on Ways and Means Chairpersin Estrelita Suansing ng Nueva Ecija, isa sa may akda ng panukala na ang intensyon ng panukala ay suportahan ang mga bagong graduate sa paghahanap ng trabaho, aniya, hindi ito dapat tignan na kabawasan sa revenue ng gobyerno bagkus ay investment sa labor force. Isang beses lang maaaring makapag-avail ng exemption.
226