ANGKAS SA PBBM DAVOS STATE VISIT TATALUPAN

(BERNARD TAGUINOD)

SA gitna ng lugmok na ekonomiya, ‘di wastong gumastos ng bonggang-bongga, ayon sa mga militanteng kongresista kasabay ng giit para sa isang imbestigasyon sa Kamara.

Ayon kay ACT party-list Rep. France Castro, higit na kailangan malaman ng sambayanan ang katotohanan. Partikular na tinukoy ng mambabatas ang mga tinawag niyang sanrekwang amuyong na kasamang lumipad sa Davos, Switzerland ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Dapat din aniyang mabatid kung magkano at kung sino ang gumastos sa 70 delegadong kinabibilangan ng First Family, mga kaalyadong mambabatas, Marcos appointees, artista at mga prominenteng oligarko.

Paglilinaw ni Castro, walang masama sa pagsama kung ang pakay ay magtrabaho. Subalit ‘di naman aniya wastong isama pa ng mga delegado pati ang kanilang mga asawang wala naman kinalaman sa gobyerno.

“Sana hindi na isinama ang kanilang asa-asawa, yung kanilang mga kamag-anak na wala naman sigurong official business dun sa trip, dun sa business ng Pangulo,” ani Castro.

Batay sa mga lumabas na video at larawan ng mga pagtitipong dinaluhan ni Marcos, wala pa sa 10 ang kasali sa mga pagpupulong.

“Sinasabi na 17 cabinets members lang ang kasama plus yung kanilang mga asawa, yung kanilang mga kamag-anak o kanilang mga associate. Yun ang dapat kuwestiyunin kung saan galing ang ginamit dito,” dagdag pa ng mambabatas.

Kinuwestiyon naman ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas ang papel ng mga artista na isinama umano sa Davos trip subalit hindi ito nagbanggit ng pangalan kung sino-sino.

“Kung sa tanong kung sino ang nagbayad; kung out of pockets of the Filipino people ‘yan (ang ginastos) at galing sa taxes natin yan, hindi yan katanggap-tanggap,” aniya.

22

Related posts

Leave a Comment