(NI BERNARD TAGUINOD)
UPANG matupad na ang kahilingan ng mga public school teachers na madagdagan ng P10,000 ang kanilang buwanang sahod, iminungkahi ng isang mambabatas sa Kamara na kunin ang pondong ito sa buwis ng Philippine Offshore Gaming Corporation (POGO).
Kasama ang mga public school teachers sa magkakaroon ng umento sa 2020 sa ilalim ng Salary Standardization Law (SSL) 5 subalit P1,562 kada taon o hanggang 2023 ang kanilang umento.
Dahil dito, umaabot lamang sa P6, 248 ang magiging umento ng mga public school teachers hanggang 2023 na malayo sa P10,000 na nais ng mga ito simula 2020 kaya iminungkahi ni Iligan City Rep. Frederick Siao na hanapan ito ng paraan at isa sa kaniyang nakikitang panggalingan ng pondo ay ang POGO.
“Public school teachers have been unrelenting in their push for a pay hike of P10,000 per month. The challenge for Congress is where to find the roughly P126 billion needed annually to satisfy that clamor. Pero sabi nga ‘pag gusto may paraan,” ani Siao.
Dahil sa laki ng pondong kailangan, walang ibang nakikita ang mambabatas na panggalingan ng pondong ito kundi sa POGO kaya dapat aniyang madaliin ang pagpapataw ng mas mataas na buwis sa mga ito.
Pumasa na sa committee level sa Kamara na papatawan ng 5% na franchise tax ang POGO bukod sa iba’t ibang uri ng buwis sa nasabing on-line gaming business kundi sa mga Chinese national na nagtatrabaho dito.
“Kung mapatawan ng buwis o itakda sa batas na P126 billion ang share ng gobyerno mula sa buong POGO sector at ang share na ito ay para sa mga guro, mangyayari ang hiling na taas-sahod ng mga guro,” ani Siao.
Sa ngayon ay walang plano ang mga public school teachers na isuko ang kanilang kahilingan ng itaas sa P30,000 ang sahod ng isang public school teachers 1 na sumasahod lamang ng P20,754 ngayon ay magiging P22,316 sa 2020.
186