DRUG LORD SA NBP HOSPITAL, LASUNIN! – BONG GO

(NI DANG SAMSON-GARCIA)

UPANG tuluyan nang masawata ang isyu ng hospital pass for sale sa New Bilibid Prisons (NBP) sa Muntinlupa City, inirekomenda ni Senador Christopher Lawrence “Bong” Go na saksakan ng lason ang suwero o IV drip ng mga drug lords na umiiwas sa loob ng kulungan at sa halip ay nagpapa-confine sa ospital kahit walang sakit.

Sinabi ni Go na hindi dextrose na magpapagaling ang dapat isaksak sa mga drug lords na umiiwas sa kulong at sa halip ay lason para diretso ang mga ito sa morgue.

“Sa susunod sasaksakan na namin ang mga dextrose niyo, kayong mga drug lord ha ‘pag nagpa-admit pa kayo diyan sa loob ng ospital kung wala kayong sakit, ‘pag nalaman namin na wala kayong sakit, hindi dextrose na pampagaling ang isaksak namin sa inyo, saksakan namin ng hilo di na kayo makalabas sa ospital morgue na kayo,” saad ni Go.

Una nang ibinulgar ni Go ang  `hospital pass for sale’ sa loob ng NBP kung saan nasa walong drug convicts anya ang nagtagal nang halos ilang buwan sa ospital para ituloy ang kanilang iligal na transaksyon.

“Nagpapanggap na may sakit para ma-admit sa ospital tapos doon na nagaganap ang illegal drug trade,” diin ng senador.

Sa huling pagdinig, kasama sa tatlong opisyal ng Bureau of Corrections (BuCor) si NBP medical doctor Ursicio Cenas sa pinatawan ng contempt order dahil sa pagsisinungaling sa mga senador.

Ipagpapatuloy ng Senate Blue Ribbon Committee ang pagdinig sa sinasabing iregularidad sa NBP sa September 19.

 

83

Related posts

Leave a Comment