KAPAG NAKAAKSIDENTE ANG TSUPER OPERATORS NG PUJ PAPANAGUTIN DIN

PAPANAGUTIN na ang mga operator ng mga pampasaherong sasakyan na masasangkot sa disgrasya lalo na kung makakapatay ang kanilang driver tulad ng nangyari sa Makati City na isang estudyante ang nasawi at 7 iba pa ang nasugatan.

Ito ang ikinokonsidera ng House committee on transportation kasunod ng pag-araro ng PUJ driver na si Crizalde Tamparong sa mga estudyanteng tumatawid sa pedestrian lane sa JP Rizal, Makati City kamakalawa na ikinamatay ni Jules Villapando.

Ayon kay Samar Rep. Edgar Mary Sarmiento, chairman ng nasabing komite, hindi umano katanggap-tanggap na walang pananagutan ang mga operator kapag nasangkot sa aksidente ang kanilang mga driver.“Lapses talaga ito ng operator,” ani Sarmiento dahil lumalabas na pinayagan ang suspek na ilabas ang kanilang sasakyan para mamasada kahit wala itong lisensya sa pagmamaneho.

“Mandatory policy, tingnan muna sana natin ang lisensya. Huwag naman sana nating pagmamanehohin na wala ang number one requirement which is driver’s license,” ayon pa sa mambabatas.
Base sa CCTV, tumatawid ang mga biktima sa pedestrian lane nang dumating ang humaharurot na si Tamparong at mistulang binowling ang mga mga biktima.

Bukod dito, nais ng mambabatas na palakasin na ang batas laban sa mga barumbadong driver dahil tanging reckless imprudence ang kinakaharap na kaso kapag nakakadisgrasya ang mga ito. BERNARD TAGUINOD

111

Related posts

Leave a Comment