(NI BERNARD TAGUINOD)
NAGKAISA ang mga mambabatas mula sa iba’t ibang grupo upang iginiit na bigyan ng supplemental budget na P15 Billion ang National Food Authority (NFA) na pambili ng palay ng mga magsasaka ngayong anihan sa mas mahal na presyo.
Sa House Joint Resolution No.8 na inIakda ng 54 Congressmen sa pangunguna ng Makabayan bloc representatives, nais ng mga ito na bigyan ng supplemental budget ang NFA upang matulungan ang mga magsasaka.
Sa ilalim ng nasabing resolusyon, ang P15 Billion na imungkahing halaga na ibigay sa NFA ay gagamitin sa pagbili ng 750,000 metric tons ng palay sa mga magsasaka sa halagang P20 kada kilo.
Sa ngayon ay 350,000 metric tons ng palay o katumbas ng 7 Million sako lang ang mabibili ng kasalukuyang budget ng NFA na P7 Billion kaya nais ng mga mambabatas na itaas ito sa P15 Billion upang mas maraming ani ang mabibili ng ahensya.
Inaatasan din ng mga mambabatas ang NFA na ibenta ng P27 kada kilo ang bigas mula sa mabibiling palay upang matulungan, hindi lamang ang mga magsasaka kundi ang mga consumers.
Ayon sa Makabayan bloc sa pangunguna ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate, nawalan ng P40 Billion ang mga magsasaka sa buong bansa sa unang bahagi ng taon matapos bumagsak ang presyo ng palay sa P7 hanggang P11 kada kilo mula nang ipatupad ang Republic Act (RA) 11203 o Rice Tariffication Law.
Kailangan anilang tulungan ng gobyerno ang mga magsasaka lalo na ngayong panahon ng anihan, upang makabawi ang mga ito sa nawala sa kanila noong Abril at Mayo, o buwan ng unang anihan ng taon.
Hindi umano dapat pabayaan ng gobyerno ang mga magsasaka at sa halip ay tulungan ang mga ito upang hindi abandonahin ang pagsasaka dahil sa nasabing batas na nagpahirap sa kanila.
174