PINAS, DAPAT MAGLAGAY NG ARCHIPELAGIC SEA LANE

ISINUSULONG ni Senador Win Gatchalian ang panukalang maglalagay ng archipelagic sea lane sa bansa sa gitna ng tumitinding tensyon sa pagitan ng China Coast Guard at Philippine Coast Guard (PCG) sa West Philippine Sea.

“Mahalagang magpasa tayo ng batas na magtatalaga sa mga archipelagic sea lanes para sa pambansang seguridad at para maprotektahan ang interes ng bansa sa ekonomiya at kapaligiran, lalo na sa West Philippine Sea,” saad ni Gatchalian sa inihaing Senate Bill 2395 o ang proposed Philippine Archipelagic Sea Lanes Act.

“Kailangan nating siguruhin na mapoprotektahan ang seguridad at soberanya ng bansa kabilang ang kapakanan ng mga kababayan nating mangingisda na pumapalaot sa ating karagatan sa West Philippine Sea,” dagdag ng senador.

Ipinaliwanag ni Gatchalian na nakapaloob na sa 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) ang archipelagic baseline system ng bansa.

Bukod sa archipelagic sea lanes, layun din ng panukala na protektahan ang ecological integrity ng bansa.

Alinsunod pa sa panukala ipagbabawal ang mga dayuhang barko o sasakyang panghimpapawid na magsagawa ng hindi awtorisadong pananaliksik at survey activities, gayundin ang pangingisda, marine bioprospecting, loading at unloading ng mga indibidwal, mga bilihin, o pera.

Binigyang-diin ni Gatchalian na ang panukala ay sumusuporta sa UNCLOS na kumikilala sa soberanya ng archipelagic waters at sa mga resources na nakapaloob dito.

(Dang Samson-Garcia)

121

Related posts

Leave a Comment