Taumbayan nagising sa higit isang taon na kapalpakan MARCOS-DUTERTE PABULUSOK NA

BAGAMA’T higit isang taon pa lamang sa kapangyarihan, dumarami na ang nagigising laban kina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte.

Ganito inilarawan ni Bayan Muna chairman at dating Congressman Neri Colmenares ang resulta ng survey ng PUBLiCUS Asia kung saan dumaudos na ang trust at approval rating ng dalawang pinakamataas na lider ng bansa.

“Yes dumadami na ang nagigising,” pahayag ni Colmenares dahil mula sa 62% na approval rating ni Marcos ay naging 55% na lamang ito sa ikatlong bahagi ng taon o mula Hulyo hanggang Setyembre.

Naging 47% na lang ang trust rating ni Marcos mula sa dating 54% habang bumagsak din ang approval rating nito sa 53% bilang kalihim ng Department of Agriculture (DA) mula sa dating 57%.

“Kung marami ang nakumbinsi noong eleksyon sa pangakong kasaganaan at tallano gold ng mga Marcos, ngayon nila maranasan ang realidad ng kahirapan sa ilalim ni Marcos tulad ng mga napakong pangako ng kasaganaan noon ng tatay nya,” ayon pa kay Colmenares.

Ito ang isa nakitang dahilan ng dating mambabatas kaya bumagsak ang tiwala ng taumbayan kay Marcos at inaasahan na magtuloy-tuloy aniya ito kapag hindi tinupad ng Pangulo ang kanyang mga pangako noong kampanya tulad ng P20 kada kilo ng bigas.

Naging 62% din ang approval rating ni Duterte mula sa dating 67% habang 55% na lang ang kanyang trust rating mula sa dating 61%.

Nabawasan naman ng 6 puntos ang kanyang approval rating bilang Secretary ng Department of Education (DepEd) dahil mula sa dating 66% ay naging 60% na lamang ito.

Hindi na ipinagtaka ni Colmenares ang pagbagsak ng approval at trust rating ni Duterte dahil umiiwas itong sagutin ang isyu sa P125 million confidential funds na ginastos nito sa loob lamang ng 19 araw noong nakaraang taon.

Hindi rin umano matanggap ng taumbayan na magkaroon ng confidential at intelligence funds ang Office of the Vice President (OVP) at DepEd na kapwa nito pinamumunuan habang nananatiling bigo ang pamumuno nito sa sektor ng edukasyon lalo na’t mahigit 2 million kabataan ang hindi na nag-aral ngayong school year.

Ayon kay Colmenares, kailangang umayos ang dalawang nabanggit na lider ng bansa kung nais nilang manatili ang tiwala ng taumbayan sa kanila.

Ang survey ay isinagawa mula Setyembre 7 hanggang Setyembre 12 ngayong taon.

Itinuro naman ng Malakanyang ang paghina ng ekonomiya at mabilis na pagtaas ng presyo ng langis at mga pangunahing bilihin na dahilan ng pagbulusok ng ratings ng Pangulo.

Sumemplang din ang approval rating nina Senate President Juan Miguel Zubiri, House Speaker Ferdinand Martin Romualdez at Chief Justice Alexander Gesmundo.

Mula sa 48%, nabawasan ng limang puntos ang approval rating ni Zubiri sa 43%, habang ang trust rating naman niya’y natapyasan ng apat na puntos, mula sa 37% ay naging 33%.

Bumulusok naman sa 37% ang approval rating ng pinuno ng Kamara mula sa 42% sa ikalawang quarter, habang bahagyang bumaba ang trust rating niya mula 32% patungong 29%.

“This comes after the Philippine economy slowed to 4.3% in the second quarter (Q2) of 2023, from 6.4% in Q1 2023, and 7.5% in Q2 2022,” ayon sa survey.

(BERNARD TAGUINOD/CHRISTIAN DALE)

189

Related posts

Leave a Comment