HINIMOK ni Senador Win Gatchalian ang Teacher Education Council (TEC) na tiyakin ang ugnayan sa pagitan ng edukasyon at pagsasanay ng mga guro sa kakalunsad lamang na ‘MATATAG’ K to 10 curriculum.
Ipinaalala ng senador na nakatutok ang bagong K to 10 curriculum sa mga foundational skills tulad ng literacy at numeracy, kasama na rin ang values education at peace competencies.
Sinabi ni Gatchalian na dahil ang mga guro ang may pinakamahalagang papel sa pagkatuto ng kabataan, kailangang tiyaking ang kanilang edukasyon at pagsasanay ay akma at tugma sa mga dapat nilang ituro sa ilalim ng bagong K to 10 curriculum.
Sa paghahanda sa mga guro, binigyang diin ni Gatchalian ang papel ng National Educators’ Academy of the Philippines, ang professional arm ng Department of Education.
Bagama’t mandato ng NEAP na magpatupad ng mga dekalidad na professional development programs para sa mga in-service teachers, school leaders, at iba pang mga teaching-related personnel, binigyang diin din ni Gatchalian na dapat magsimula ang preparasyon ng mga guro sa pre-service o sa kolehiyo pa lamang.
Sa ilalim ng Excellence in Teacher Education Act, paiigtingin ng TEC ang ugnayan sa pagitan ng DepEd, Commission on Higher Education, at Professional Regulation Commission.
Mandato rin sa TEC ang magtakda ng mga basic requirements para sa mga teacher education at programs, at tiyakin ang ugnayan nito mula kolehiyo hanggang sa magsimulang magturo ang mga guro.
(Dang Samson-Garcia)
214