NATIONAL FLOOD MANAGEMENT PLAN IGINIIT NI PANGILINAN

IGINIIT ni Senador Kiko Pangilinan ang pangangailangang bumuo ng komprehensibong national flood management plan at magsagawa ng full accounting sa public funds na inilalaan para sa flood control projects.

Sinabi ni Pangilinan na hindi dapat maging normal ang pagbaha at hindi dapat nangangamba ang mga Pilipino tuwing umuulan.

Ayon sa senador, paulit-ulit na lamang ang eksenang nakikita tuwing malakas ang ulan—binabahang mga kalsada, tubig na pumapasok sa mga bahay at paaralan, at mga pamilyang napipilitang lumikas.

Binigyang-diin ng senador ang pangangailangan para sa isang pangmatagalan at pambansang flood management plan kung saan magkakaugnay ang mga proyekto at estratehiya.

Ipinaliwanag niya na kahit gumastos ng bilyun-bilyong piso, kung walang koordinasyon at malinaw na kabuuang plano sa flood control management, patuloy pa ring lulubog sa baha ang mga kalsada at kabahayan.

Dapat aniya ay preventive, science-based, transparent at nakatuon sa long-term solutions ang national flood management plan.

Nanawagan din si Pangilinan ng kumpletong accounting sa flood-control funds, kabilang ang mga proyekto, lokasyon, gastos, contractors, implementation status at aktwal na resulta.

Binigyang-diin ng senador na karapatan ng bawat Pilipino na malaman kung saan napunta ang bawat pisong inilaan para sa flood control at kung ano ang naging resulta ng mga proyektong pinondohan ng publiko.

(DANG SAMSON-GARCIA)

59

Related posts

Leave a Comment