NCRPO, NPD ‘TAHIMIK’ SA SUGALAN NINA ‘RENEL’, ‘TISAY’ AT ‘BOYONG’

(NELSON S. BADILLA)

HINDI pa rin natutuldukan ang balitang ambisyon umano ng direktor ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na si Major General Vicente Danao Jr. na maging hepe ng Philippine National Police (PNP).

Ayon sa pahayag ng iba’t ibang source, kabilang ang ilang beteranong police reporter, naniniwala si Danao na siya na ang itatalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang kapalit ni General Guillermo Lorenzo Eleazar.

Ang puhunang pinanghahawakan ni Danao upang ibigay sa kanya ang pinakamahalagang posisyon ay ang pagsisilbi niya nang matagal kay Duterte habang alkalde ang huli sa Davao City.

Ngunit, negatibo ang pananaw ng maraming nakausap ng SAKSI Ngayon kung tuluyang itatalaga ni Duterte si Danao bilang PNP Chief, sapagkat wala itong maganda at kahanga-hangang accomplishment laban sa kriminalidad, paglilinis ng katiwalian at korapsyon sa PNP at laban sa illegal gambling tulad ng jueteng at bookies.

Nang maging NCRPO Director si Danao noong si General Debold Sinas pa ang hepe ng PNP ay hindi siya agresibo sa jueteng at bookies sa maraming parte ng Metro Manila.

Ayon sa ilang sources, nang maging NCRPO Director si Danao ay ‘nakapasok’ ang bookies ni alyas “Reyna” sa ilang lungsod na sakop ng Southern Police District (SPD).

Nakabalik daw ang jueteng lord na si alyas “Renel” dahil din kay Reyna.

Si Reyna ay kilala sa tawag na “Tita” sa Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon).

Kontrolado umano ni Tita ang bookies sa Laguna.

Ang gamit ni alyas Renel sa kanyang jueteng ay ang Peryahan ng Bayan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Ngunit, 40 kumbinasyon ng mga numero ang pinatatayaan ni Renel na lampas sa 36 na kumbinasyon ng mga mananalong numero sa Peryahan ng Bayan ng PCSO.

Napakalakas umano ni alyas Renel kay Tita, sapagkat binigyan pa siya ng puhunan para sa kanyang bookies ng “EZ2” at “lotteng”.

Bukod sa jueteng, mayroon pa siyang EZ2 at lotteng na ipinantapat niya sa mga gambling lord na sina alyas “Tisay” at “Boyong”.

Nakalulula ang kinakabig ng tatlo kada araw dahil umaabot ng mahigit isang milyon lahat.

Tinumbok ng sources na napakaligaya nina alyas Renel, alyas Tisay at alyas Boyong dahil wala silang natatanggap na impormasyong nagagalit at pinatitigil na sila ni Major General Danao.

Wala ring utos na nanggagaling kay Brig. Gen. Jose Hidalgo Jr. sa kanyang mga tauhan sa Northern Police District (NPD) laban sa jueteng, EZ2 at lotteng ni alyas Renel at EZ2 at lotteng nina alyas Tisay at alyas Boyong.

Ayon sa ilang sources, ‘bata’ ni General Eleazar si Hidalgo.

Nagyayabang pa nga raw sa kanyang batchmates sa Philippine National Police Academy (PNPA) si Hidalgo na binigyan siya ng “juicy position” dahil sobrang lakas umano niya kay General Eleazar.

Kung ipuwesto na ni Duterte si Danao kapalit ni Eleazar, ilang buwan mula ngayon, ay inaasahang magsasaya nang husto ang mga gambling lord na ‘nakakapit’ kay alyas Reyna.

243

Related posts

Leave a Comment