Pinili ang highest bidder dahil sa bag DEPED IIMBESTIGAHAN SA P2.3-B LAPTOPS

PINAIIMBESTIGAHAN ng isang mambabatas sa mababang kapulungan ng Kongreso ang kuwestiyonable umanong bidding process sa pagbili ng Department of Education (DepEd) ng 39,000 laptop computers kung saan mas pinili ng mga ito ang mahal na bidder dahil lang sa laptop bag.

Ayon kay Deputy Speaker Bernadette Herrera, labag sa Republic Act 9184 o Government Procurement Reform Act, ang pagpili ng DepEd sa mas mataas na bidder gayung may nag-bid umano ng mas mababa.

“We received information that the contract was practically secured by the second lowest bidder at almost P2.3 billion, which is P167 million higher than the bid of the lowest bidder,” ani Herrera.

Hindi binanggit ng mambabatas kung sino ang mga bidder sa 39,000 laptop na ibibigay sa mga public school teacher para magamit sa kanilang pagtuturo sa ilalim ng distance learning.

Kuwestiyonable umano ito dahil imbes na makatipid ng P167 million ang DepEd ay pinili ng mga ito ang mas mataas na presyo.

“This is quite alarming and unacceptable because the P167 million that the government stands to lose from this project could be used elsewhere, especially during this pandemic,” ayon pa kay Herrera.

“Bakit naman ang laptop bag at hindi ang specs ng computer ang naging basehan sa pag-award ng contract sa pagbili ng laptop computers para sa mga guro natin sa public school? Nang dahil lang sa bag?,” ayon pa sa mambabatas.

Dahil dito, mas mahal umano ng P5,000 ang laptop na pinili ng DepEd dahil hindi nakasunod ang mga natalong bidder sa nais ng ahensya na gawa sa ballistic nylon ang laptop bag.

“Mas importante pa pala ang bag na may kabuuang halaga ng P167M kesa sa specs ng computer. Hindi ba may mali rito? Mas mahal ng P5,000 per bag ito, makakabili na ito ng isang tablet para sa 39,000 na bata,” ani Herrera kaya nagpatawag ito ng imbestigasyon. (BERNARD TAGUINOD)

301

Related posts

Leave a Comment