‘NENENG’ POSIBLENG BUMALIK BILANG BAGYO; 2 PANG LPA BINABANTAYAN NG PAGASA

MAY posibilidad na bumalik at muling maging tropical depression ang dating Tropical Storm Neneng na isa nang low pressure area (LPA) at kasalukuyang kumikilos palayo sa Pilipinas, ayon sa state weather bureau.

Ayon sa update ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na ibinahagi ng Office of Civil Defense (OCD), alas-8 ng umaga nitong Agosto 21, ang LPA 08f, na dating “Neneng,” ay nasa labas na ng Philippine Area of Responsibility (PAR) at may katamtamang posibilidad na muling maging tropical depression sa loob ng susunod na 24 oras.

Binabantayan din ng PAGASA ang isa pang LPA, na may designation na 08h, na nasa labas ng PAR at may posibilidad ding maging tropical depression sa loob ng susunod na 24 oras.

Samantala, mahigpit ding mino-monitor ng PAGASA ang severe tropical storm na may international name na “Saudel” na nasa labas ng PAR.

Pinangangambahang maaari itong magdala ng pag-ulan at magpalakas sa umiiral na Southwest Monsoon o Habagat, gaya ng naging epekto ng mga bagyong Luis at Maymay na nagdulot ng malawakang pagbaha sa bansa.

Kahit nakalabas na ng bansa ang mga nasabing bagyo, nasa 580 lugar pa rin ang nakararanas ng pagbaha dahil sa pinagsamang epekto ng Habagat, Luis at Maymay, ayon sa OCD.

Karamihan sa mga binabahang lugar ay nasa Region 3, kung saan may mga lugar na umabot sa isang talampakan o higit pa ang taas ng tubig.

Patuloy na minomonitor ng OCD ang mga binabahang lugar at nakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan upang matiyak ang agarang pagtugon at paghahatid ng tulong sa mga apektadong komunidad.

Umabot na rin sa 88 lungsod at bayan sa Luzon ang isinailalim sa state of calamity dahil sa pagbaha at pagguho ng lupa dulot ng sunod-sunod na malakas na pag-ulan, ayon sa OCD nitong Biyernes, Agosto 21.

Kabilang dito ang buong lalawigan ng Bataan, Bulacan, Pampanga at Cavite, gayundin ang ilang lugar sa Pangasinan, Zambales, Rizal at Batangas.

Sa Pangasinan, nasa state of calamity ang Dagupan City, Santa Barbara, Mangaldan, Bugallon at Mangatarem. Kabilang din dito ang Masinloc sa Zambales, Rodriguez o Montalban sa Rizal, at Nasugbu sa Batangas.

Patuloy namang nakararanas ng pagbaha ang ilang lugar sa Pampanga, Bataan at Bulacan matapos ang ilang linggong malakas at tuloy-tuloy na pag-ulan.

Sa Pampanga, sinabi ng pamahalaang panlalawigan na mahigit kalahati ng mga barangay ang nananatiling binabaha at halos isang milyong residente ang naapektuhan. Umabot na rin umano sa P1.4 bilyon ang pinsala sa agrikultura.

Sa Bataan, tinatayang 8,000 residente mula sa 70 barangay ang lumikas dahil sa baha. Isinailalim din sa state of calamity ang buong lalawigan noong Huwebes.

Sa Bulacan, nananatili ring problema ang baha at putik sa ilang lugar, kabilang ang mga imprastrakturang napinsala ng matagal na pag-ulan.

Nagbabala rin ang PAGASA sa mga komunidad na nasa ibaba ng ilang dam sa Luzon dahil sa posibleng pagtaas ng tubig kasabay ng patuloy na pag-ulan.

Patuloy namang mino-monitor ng mga awtoridad ang mga apektadong lugar habang nagpapatuloy ang relief, clearing at rehabilitation operations.

Ayon sa OCD, umabot na sa P1 bilyon ang halaga ng tulong na naipamahagi ng pamahalaan sa mga komunidad na naapektuhan ng pinalakas na Habagat at mga nagdaang bagyong Luis at Maymay.

Kabilang dito ang assistance mula sa OCD, Department of Social Welfare and Development (DSWD) at mga lokal na pamahalaan.

Tiniyak ng OCD na magpapatuloy ang koordinasyon ng mga ahensya upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga residenteng nananatili sa evacuation centers at iba pang apektadong lugar, lalo na sa mga komunidad na patuloy na nakararanas ng pagbaha.

(JESSE RUIZ)

82

Related posts

Leave a Comment