MAY KREDIBILIDAD PA BA SI ORLY GUTEZA?

RAPIDO ni PATRICK TULFO

MATAPOS ang mahabang pananahimik, muling lumitaw itong si Orly Guteza, ang pinakaunang witness na iniharap nina Sen. Rodante Marcoleta sa pagdinig ng Blue Ribbon Committee sa isyu ng mga anomalya sa flood control.

Ito ‘yung naunang imbestigasyon ng makapangyarihang komite na pinamumunuan pa noon ni Sen. Ping Lacson.

Matatandaan na “surprise witness” nina Sen. Marcoleta si Guteza na ang ibig sabihin ay hindi alam nina Sen. Lacson ang pagkakakilanlan nito.

Kay Guteza nanggaling ang terminong basura o pera na inihatid daw nila galing sa bahay ni dating Cong. Zaldy Co na dati niyang boss, papunta sa bahay raw ni dating House Speaker Martin Romualdez.

Naging katawa-tawa naman ang salaysay ni Guteza nang tila nalimutan nito ang nakalagay sa kanyang affidavit at kinakailangan pang turuan ito ni Sen. Marcoleta.

Pero sa muling paglitaw nito ay binawi na nito ang mga naunang sinabi at itinuro na ang may pakana nito ay si dating Cong. Mike Defensor, at lumalabas na dumating lang si Sen. Marcoleta matapos na ipatawag ito ni Defensor upang ipakilala siya.

Sa panibagong pahayag ni Guteza, sinabi nito na gawa lang ni Defensor ang laman ng kanyang salaysay kaya nga nagmali-mali na siya nang siya ay tinanong na ni Sen. Marcoleta.

Idinagdag pa nito na narinig niya nang sinabi ni Defensor na ok na sa kanila ni Marcoleta ang 150 milyong piso. Kung saan ay bibigyan daw siya ng pera ng mga ito bukod pa sa scholarships ng kanyang mga anak at apo.

Pero teka, sa isang video na ipinadala ni Atty. Calimag sa news outlets, marami ang nakapansin na tila binabasa ni Guteza ang kanyang salaysay kaya tuloy-tuloy ang pagsasalita nito.

Kaya mayroon na namang agam-agam ang mga nakapanood nito na mukhang scripted na naman ang mga sinasabi nito.

Dapat pag-aralan nang mabuti ng mga awtoridad ang panibagong salaysay ni Orly Guteza, dahil inamin na nito kaya lang siya napapayag na idawit si Romualdez ay dahil pinangakuan siya ng pera.

Ano ang kasiguruhan ng mga sumusubaybay sa imbestigasyon sa flood control corruption, na hindi muling naalok ng pera si Guteza para lumipat naman sa kabila.

74

Related posts

Leave a Comment