TEODORO: CHINESE EMBASSY, MISTULANG PR FIRM NI TONY YANG

TINAWAG ni Defense Secretary Gilbert Teodoro Jr. na mistulang public relations firm ng negosyanteng si Tony Yang at ng iba pang ilegal na aktibidad na kinasasangkutan ng mga Chinese national sa bansa ang Chinese Embassy sa Pilipinas.

Ayon kay Teodoro, malinaw mula sa mga pampublikong pahayag ng embahada nitong mga nakaraang araw na kino-cover up o pinagtatakpan nito si Yang.

Kasabay nito, nanawagan ang kalihim sa publiko na kondenahin ang naturang hakbang ng embahada.

Sinabi pa ni Teodoro na sa lahat ng embahada sa bansa ay ngayon lamang siya nakakita ng ganitong uri ng pagmamalabis.

Ang pahayag ni Teodoro ay kasunod ng akusasyon ng Chinese Embassy na target umano ng operasyon ng mga awtoridad ng Pilipinas ang mga Chinese national.

Mahigit 60 Chinese national ang nahuli sa operasyon sa Sanjia Steel Corporation sa Misamis Oriental noong Mayo matapos matuklasan ang pagkakaroon ng radioactive materials sa steel plant.

Nauna nang sinabi ni Teodoro na dating pagmamay-ari ni Tony Yang ang naturang pasilidad.

Binuweltahan din ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang Chinese Embassy kaugnay ng pahayag nito sa operasyon, na anila’y nagpapakita ng malinaw na pagbalewala sa diplomatic decorum at sovereign laws ng Pilipinas.

Ayon sa PAOCC, hindi nararapat para sa isang embahada na pangaralan ang mga awtoridad ng Pilipinas sa pagsasagawa ng lehitimong operasyon sa loob ng bansa.

Nag-ugat ang pahayag ng komisyon matapos kuwestiyunin ni Chinese Embassy spokesperson Ji Linpeng ang pagkakaaresto sa dose-dosenang Chinese workers sa Sanjia Steel Corp., habang pinalaya naman ang mahigit 300 empleyadong Pilipino.

Kinuwestiyon din ni Ji ang pagkakasangkot ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at paggamit ng military aircraft sa operasyon.

Sinabi umano ng Chinese official na ang ganitong kalaking deployment ay hindi nararapat para sa mga ordinaryong manggagawa kundi para sa mga armadong militante o terorista.

Tinutulan din ng PAOCC ang pag-uri sa operasyon bilang “selective enforcement” laban sa mga Chinese national.

Paliwanag ng PAOCC, ang operasyon sa Sanjia ay isang inter-agency law enforcement operation at hindi aksyon laban sa anumang lahi.

Kasama umano ang AFP sa operasyon para magbigay ng seguridad at logistical support.

Hinamon din ng PAOCC ang Chinese Embassy na payagan ang bukas na diskusyon sa publiko tungkol sa isyu sa Chinese social media platforms upang malaman ng mga mamamayan ng China ang buong katotohanan hinggil sa operasyon.

(JESSE RUIZ)

80

Related posts

Leave a Comment