TINIYAK ng grupong Pro-Movers Transport Alliance na hindi sila lalahok sa nakatakdang transport strike ng grupong Manibela sa Lunes (Oktubre 16) na naglalayong pahirapan lamang ang riding public.
Sinabi ni Jess Banaga, chairman ng grupong Pro-Movers Transport Alliance (Pro-Modern Vehicles for Economic Response Stability Transport Alliance), nagpasya silang hindi lumahok sa tigil pasada dahil ang mga mananakay ang tiyak na mahihirapan.
Sa press conference sa Quezon City, sinabi ni Banaga na nakahanda ang kanilang grupo na sumuporta sa pamahalaan at magbigay ng libreng sakay kung kakailanganin.
“Mariin naming tinututulan ang muling pagbibigay ng extension sa deadline ng consolidation sa December 31 para sa modernization program ng public utility vehicle,” ayon kay Banaga.
Aniya, sila ay sumusunod at sumusuporta sa programa ng pamahalaan sa pagmodernisa ng mga pampublikong sasakyan at bumubuo sa 70% na nagpa-consolidate.
Samantala, nakakuha ng kakampi si LTFRB Chief Teofilo Guadiz sa grupong Pro-Movers Transport Alliance na nagsabing walang katotohanan ang bintang dito.
Nauuna nang nagpahayag ang grupong Manibela sa pangunguna ng chairman nito na si Mar Valbuena ng malawakang tigil pasada ng kanilang grupo sa Lunes bilang sagot sa ibinulgar na malawakang korupsyon sa LTFRB.
Para naman sa Pro-Movers, dapat ibalik sa kanyang pwesto si Guadiz.
(PAOLO SANTOS)
